top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Divorce Bill, pinalagan

Ryan B. Sison
Sep 20, 2019
2 min read

Dininig na sa kauna-unahang pagkakataon sa Senado ang panukalang-batas na naglalayong gawing legal ang divorce sa bansa.

Tulad ng inaasahan, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga pabor at hindi pabor sa Divorce Bill.

Kabilang sa kumontra ang isang miyembro ng Simbahang-Katolika na si Fr. Rex Arijona, Social Action Center Director ng Diocese of Legazpi.

Aniya, hindi umano makatutulong ang divorce sa mga nagkakaproblemang pamilya gayundin, posible pa itong magpalala ng sitwasyon.

Dagdag pa rito, pinakamaigi ang komunikasyon at pagsailalim sa counseling upang matukoy ang maayos na solusyon.

Pinakaapektado aniya ang mga anak dahil posibleng lumaki sa hindi kumpletong pamilya ang mga ito sakaling maisabatas ang naturang resolusyon.

Dahil dito, nanawagan si Arijona sa mga mag-asawa na nakararanas ng problema at hindi pagkakaunawaan na magtungo sa Simbahan upang mabigyan ng kaukulang coun seling.

Bagama’t, mahabang proseso pa ang pagdaraanan bago malaman kung makalulusot o hindi, maraming dapat ikonsidera tulad ng mga anak na tiyak makararanas ng mabuti at masamang epekto ng paghihiwalay ng mag-asawa.

Maaaring makatulong ang pagsailalim ng mag-asawa sa counseling, pero giit ng mga pabor sa divorce, hindi ito sapat para solusyunan ang problema ng mag-asawa dahil anila, pansamantalang solusyon lang ito.

Gayunman, kung hindi maisasabatas ang divorce, siguro dapat ding tumulong ang Simbahan sa pagbuo ng alternatibong solusyon para makatulong sa mga mag-asawa na may pinagdaraanan nang sa gayun ay mabawasan ang tsansa na maghiwalay ang mga ito.

Lahat tayo ay may kani-kanyang pananaw hinggil sa isyung ito kaya ang paalala sa lahat, sa atin nakasalalay kung magiging matimbang ang kapakanan ng ating pamilya o pinaniniwalaan ng Simbahan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page