top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Para hindi mapag-iwanan ang ‘Pinas.. Mga guro at estudyante, parehong dapat matuto sa robotics

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 19, 2019
3 min read

Ang ‘robotics’ ay industriya na pinatatakbo ng parehong sangay ng Engineering at Science, kabilang na ang Mechanical Engineering, Electronic Engineering, Information Engineering, Computer Science at iba pa.

Kaakibat nito ang disenyo, konstruksiyon, ope­rasyon at paggamit ng mga robot at kompyuter para sa kontrol, pagtugon at pagproseso ng impormasyon.

Nagmula sa terminong “robot” o “robota” mula sa dula ng Czech writer na si Karel Èapek noong 1920, nangangahulugan ito ng trabaho o paggawa.

Maraming uri ng robot at sari-sari rin ang mga pinaggamitan nito.

Ngunit, ang lahat ng ito ay makina o kompyuter ang nagpapatakbo.

Karaniwan itong ginagamit sa mga industriya sa pagkakabit ng mga piyesang elektrikal, paggawa ng sasakyan, serbisyong pang-agrikultura, pangmedikal at pangmilitar, pagtugon sa mga sitwasyong pang­sakuna at emergency at marami pang iba.

Sa ilang parte ng Amerika, may mga unibersidad na nag-aalok ng bachelors, masters at doctoral de­grees sa larangan ng robotics.

Mayroon ding mga summer robotics camp at robotics competition ang isinasagawa para sa mga mag-aaral anuman ang edad.

Sa Pilipinas pa lamang, maraming robotics com­petition ang nagaganap sa iba’t ibang sulok ng bansa. Isa na rito ang Lungsod ng Valenzuela na sagana sa mga Valenzuelanong mag-aaral mula sa Valenzuela City School of Mathematics and Science (ValMaSci) at Nuestra Señora de Guia Academy na sumasabak sa mga Math at robotics olympiad sa loob at labas ng bansa.

Sa nagbabagong panahon, malaki ang potensiyal at interes ng mga bansa pagdating sa robotics. Higit sa lahat, lumalawak na rin ang mabuting epekto at ka­halagahan ng nasabing industriya sa katatagan, kapayapaan, kabutihan at progreso ng iba’t ibang mga komunidad, kasama na ang Pilipinas.

Naniniwala tayong dapat ituro ang robotics sa lahat ng kabataang Pinoy upang makipagsabayan sa ibang bansa at maihanda sila sa hinaharap.

Kaya naman, oras na upang makisabay na hindi lamang ang mga industriya kundi ang ating mga mag-aaral sa paglinang ng kaalaman tungkol sa robotics.

Sa pamamagitan ng sapat na edukasyon nito, makapagbibigay ito ng oportunidad sa bawat isa na magkaroon ng kasanayan, maging produktibo sa hinaharap at makakuha ng maunlad na karera at trabaho sa larangan ng robotics.

Siyempre pa, kailangan natin ang kaalaman ng ating mga guro na magtuturo sa bawat klasrum tung­kol dito.

Ilan sa ating mga panukalang-batas na naaayon sa pagtuturo at pagkatuto nito ay ang ating isinusulong na Senate Bill No. 367 o The Continuing Education For Teachers Act at Senate Bill No. 369 o Equitable Access to Math and Science Education Act.

Sa Senate Bill No. 367, makatutulong ito sa mga guro upang madagdagan ang kanilang kaalaman, matutunan ang mga konsepto, ano at paano ituturo ang robotics at teknolohiya sa kanilang mga estud­yante.

Habang ang Senate Bill No. 369 naman ay daan upang matutukan at mahasa ang kahusayan ng mga estudyanteng mahilig at magaling sa Mathematics at Science.

Tulad sa ibang bansa, nararapat lamang na maiangkop din natin sa Pilipinas ang pagpapalaganap ng mga gawaing pabor sa pagpalalaganap ng ino­basyon, sa pagsusulong ng kinabukasan ng kabataan at sa pagpapabuti ng industriyalisasyon.

Sa patuloy na pag-angat ng kamalayan at bene­pisyo ng industriya ng robotics sa ating lipunan, kina­kailangan ng mga polisiyang pangnasyunal na makatutugon sa pambansang kaunlaran.

Dahil dito, patuloy natin itong pag-aaralan sa Senado upang mapalakas at masulit ang serbisyong naibibigay ng mga robot sa bawat indibidwal.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page