Budget ng MMDA tinapyasan, suweldo sapol — Kamara.. Traffic Enforcers, matutukso sa suhol
- Jeff Tumbado
- Sep 19, 2019
- 2 min read

Wala na umanong dapat ipagtaka kung matukso ang mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bumigay sa panunuhol o pangingikil.
Ito ay sanhi na rin ng napakababang suweldo na ang karamihan ay hindi umaabot ng minimum o nakapag-uuwi lamang ng P8,000 kada buwan at walang benepisyo, walang security of tenure at hindi rin sila miyembro ng GSIS.
Nasa 75% din ng mga tauhan ng MMDA ay job order basis lang o pupuwedeng ma-ENDO.
“Given that 75% of them hired on job order basis and do not even earn minimum wage, how do we expect them to resist bribes from motorists? Hindi talaga makatarungan ang sitwasyon nila,” ani House Minority Leader Bienvenido Abante.
Higit pang ikinadismaya nito ang tinapyas na P7.61 bilyong pondo ng MMDA para sa susunod na taon kaya pagkakasyahin na lamang ang P4.11 bilyon sa mga gastusin ng ahensiya.
Sa halaga na ibinawas, P697 milyon sana ay para sa dagdag-sahod ng may 8,000 empleyado ng MMDA kasama na sa apektado ang 3,000 traffic enforcers.
Kasabay nito, umapela ang Minority Bloc na maibalik sa MMDA ang tinapyas na pondo nito kung gusto ng gobyerno na maging epektibo ang ahensiya sa pagresolba ng problema ng trapiko sa Metro Manila.
Kontra pasaway na motorista.. MMDA, armasan ng bolo
Naniniwala si Marikina City Rep. Bayani Fernando na pupuwedeng maarmasan ng bolo ang mga tauhan ng MMDA sa halip na bigyan ng baril ang mga ito para matakot at mapasunod ang mga pasaway na motorista.
Sinabi ng kongresista na noong siya ang alkalde sa Marikina City ay pinagbitbit niya ng bolo ang kanyang mga tauhan sa palengke at napatino ang lungsod nang walang insidente na nagamit ito sa karahasan.
Ayaw ni Fernando na armasan ng baril ang MMDA enforcers dahil kulang sa kasanayan ang mga ito bukod pa sa mahirap matiyak na kaya nilang kontrolin ang emosyon lalo na kung may makakaengkuwentrong mga pasaway na motorista.





Comments