After duraan si Maxine sa serye... Jake, umaming pinagsabihan si kylie sa tamang asal


Mabuti naman at finally, pareho nang nagsalita sina Kylie Verzosa at Maxine Medina sa ginanap na finale-thanksgiving presscon kahapon ng Los Bastardos kaugnay ng kontrobersiyal na ‘duraan’ nila sa isang eksena sa serye kamakailan.
Unang nilinaw, ‘di promo o gimik para sa pagtatapos ng serye ang duraan issue.
Bungad ni Kylie, “Guys, alam n’yo ba, friends kami ni Maxine ngayon. Okay kami ngayon,” kaya naintriga ang host ng presscon na si kapatid na Ogie Diaz at tinanong si Kylie kung ibig bang sabihin dati ay ‘di sila friends?
Natawa lang si Kylie at patuloy na paliwanag, sobrang kontrabida kasi ang role niya sa Los Bastardos na lahat na lang ay inaway, sinaktan at pati nga sarili ay binaril.
Kuwento niya, “Nagkaroon po kami ng eksena ni Maxine, patapos na ‘yung show, sobrang heightened ng emotions, as a character, nakaposas po ako, dala-dalawa ‘yung pulis na nakahawak sa akin, so ‘di po maiiwasan na may masasaktan. Right after naman, nag-sorry ako.”
Paliwanag pa ni Kylie, as a first time actor na nag-start na bida sa serye tapos ay nag-shift bilang kontrabida, nahirapan daw siya kaya ‘di raw talaga maiiwasan ‘yung may masasaktan dahil sa intense acting niya.
Sa tanong namin kung totoo bang nagseselos na siya kay Maxine dahil marami itong kissing scenes sa boyfriend niya in real life na si Jake Cuenca sa Los Bastardos kaya niya dinuraan ang co-star, palabang sagot ng Miss International, “Kami rin naman ni Jake, maraming kissing scenes,” kaya nagkatawanan dahil ayaw patalbog ni Kylie, ha?
Dagdag ni Kylie, “Hindi po, hindi po talaga. Jake never gives me a reason, sila pong dalawa, they never give me a reason to feel bad or para mainggit po. Friends po kaming tatlo.”
Ang siste, nu’ng si Maxine na ang nagsalita, sabi niya, “Nag-sorry naman po siya sa akin right after 4 days na nangyari ‘yung scene.
“Siguro, lesson learned na rin ‘to na bago natin gawin ‘yung eksena, let’s talk about it para if ever may mangyaring ‘di kanais-nais, kaya nating mag-sorry agad.”
Sa eksena, sinampal din pala ni Maxine si Kylie pero nagpaalam naman daw siya sa co-beauty queen kaya walang issue ru’n.
We asked Kylie kung bakit sabi ni Maxine, umabot ng 4 days bago siya nag-sorry.
Sagot ng GF ni Jake, “Ako, alam ko po, nag-sorry ako agad-agad. Tapos, nag-usap na kami on set, normal na kami on set. Actually po, nagulat ako sa lumabas na isyung ito. Actually, nasasaktan po ako, ‘di ko alam kung bakit ito nangyari sa amin. Pero ‘di po talaga maiiwasan na may masasaktan. Ang importante, okay na kami ngayon.”
Pareho rin namang sinabi nina Kylie at Maxine na willing pa rin silang makatrabaho ang isa’t isa.
Nang si Jake naman ang hiningian namin ng reaksiyon tungkol sa nangyari, aniya, may “etiquette” naman talaga ang mga artista na pinag-uusapan muna ang gagawing eksena. Pero meron daw talagang nangyayari minsan na unexpected at hindi nga maiwasan ang nagkakasakitan.
Sinabihan din naman daw niya ang GF na si Kylie about that showbiz etiquette at ang importante na lang daw ngayon, parehong may natutunan ang dalawa sa nangyari.
Bilib din daw si Jake sa dalawang beauty queens na kahit parehong baguhan sa showbiz ay ang gagaling nang umarte. In fact, pinakamataas daw ang rating ng serye kung saan nangyari ang away ng dalawa.
O, bongga! Mas nakatulong pa pala sa Los Bastardos ang duraan issue.
At sabi nga ng cast na pinangungunahan at binubuo nina Mr. Ronaldo Valdez, Jake Cuenca, Joseph Marco, Albie Casiño, Joshua Colet, Marco Gumabao, Kylie, Maxine, Ritz Azul, Mary Joy Apostol, Mica Javier, Jeffrey Santos and Pinky Amador na present sa finale presscon kahapon, marami pang kapana-panabik at intense scenes ang dapat abangan at tutukan sa last two weeks ng Los Bastardos.





Comments