Tuwing rush hour sa EDSA.. Pribadong sasakyan, bawal

Inirerekomenda ng isang kongresista na maipagbawal na sa EDSA ang pagbiyahe ng mga pribadong sasakyan kung rush hour.
Sa harap na rin ito ng inaasahang pagsisikip pa ng daloy ng trapiko sa papalapit na Christmas Season.
Ayon kay Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice, vice-chairman ng House Committee on Metropolitan Development, na mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi ay dapat ipagbawal ang private vehicles.
Ibig sabihin, mga pampublikong sasakyan o mass transport lang ang bibiyahe sa mga oras na ito sa EDSA na tatawaging “mass transport highway”.
Tinukoy ng kongresista na nasa tinatayang 300,000 ang pribadong sasakyan na bumibiyahe sa EDSA, araw-araw. Mas marami ito sa 8,000 bus sa EDSA.
Idinagdag pa ni Erice na maaari namang pag-aralan kung mapapayagan ang mga motorsiklo at ride-hailing firm tulad ng Grab na bumiyahe sa EDSA kahit rush hour.
Gayunman, paglilinaw ni Erice, pansamantala at madaliang solusyon lamang ito habang hinihintay na matapos ang mga itinatayong imprastruktura at pagsasaayos ng railway system sa Metro Manila.
Nabatid sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umabot na sa 405,882 ang average na bilang ng mga sasakyan sa EDSAmula noong Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon. Mas mataas sa 383,828 na mga sasakyan noong 2018.





Comments