top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

P25K-P30K buwanang suweldo ng mga guro, isinusulong!

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 17, 2019
3 min read

Dedikasyon at sakripisyo — ‘yan ang mailalarawan natin sa ating mga guro. Sila ang isa sa mga pangunahing dahilan sa pag-unlad ng kaisipan at kaalaman ng mga kabataang mag-aaral.

Dahil sa kanilang pagmamahal sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante, marami sa kanila ang gumagawa ng iba’t iba at sari-sariling paraan o inobasyon upang maibigay ang mga pa­nga­nga­ilangan sa edukasyon ng kanilang mga tinuturuan.

Sa kabila ng dami at hindi maubus-ubos na kailangang gawin, hindi nila ito sinusukuan para mapagtagumpayan ang misyong matuto ang kanilang mga estudyante.

Sila ang napakaha­lagang sangkap upang maipanalo ang de-kali­dad na sistema ng edu­kasyon sa ating bansa.

Ngunit, tulad din ng ibang hanapbuhay, karapatan ng mga guro ang makatanggap ng pantay at patas na kompensasyon sa lahat ng kanilang ginagawa.

Dapat lamang masuklian ng karampatang sahod at benepisyo ang mga magigiting na guro.

Isa ito sa patuloy na tinatalakay at pinag-aaralan sa Senado. Noong nakaraang linggo, dumalo tayo sa unang pagdinig ng Senate Com­mittee on Civil Service, Government Reorgani­zation and Professional Regulations sa pamu­mu­no ni Sen. Ramon Revilla, Jr., tungkol sa panuka­lang taasan ang sahod ng mga kawani ng gobyerno at public school teacher.

Sa naging takbo ng aming talakayan, naka­hanap tayo nang pagkukunan ng pondo na ka­ilangan sa pagtataas ng dalawang Salary Grades (SG) ng mga guro.

Maaari natin itong kunin sa 2019 General Appropriations Act (GAA) budget na P95.37 bilyong ‘pork barrel funds’ sa ilalim ng De­partment of Public Works and Highways (DPWH) na nai-veto o hindi pinayagang isa­batas ni Pangulong Rodrigo Duterte, kama­kailan.

Kung mayroong ganitong halaga na maa­aring gamitin, bakit hindi natin kunin doon ang kinakailangang P54 bilyon upang mapondohan ang pagtaas ng sahod ng mga guro?

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 178 na naglalayong itaas ang suweldo ng mga public school teacher na may ranggong Teacher I, Teacher II at Teacher III at mula Salary Grades (SG) 11, 12 at 13 sa Salary Grades 13, 14 at 15.

Upang mas maintindihan, ating himay-himayin ang detalye nito. Base sa pang-apat na bahagi ng Salary Standardization Law, nakasa­ad sa panukala na mula P20,754 ay magiging P25,232 ang sahod ng mga Teacher I kada buwan kung saan P4,478 na halaga ang itataas nito.

Ang mga Teacher II naman ay makata­tanggap ng P27, 755 mula sa dating P22, 938 o halagang P4, 817 na pagtaas ng kanilang kinikita. P5, 299 naman ang itataas sa suweldo ng mga Teacher III kung saan mula P25, 232 ay magiging P30, 531 na ito.

Kung itataas natin ang suweldo ng mga Teacher I hanggang III, ibig sabihin, 889, 700 personnel o 83% ng mga guro ang makikina­bang nito.

Bukod pa rito, daan ang pagtataas ng sahod ng mga Teacher I hanggang III upang mapaliit ang pagitan ng Teacher III at Master Teacher I.

Base kasi noong 2018, mahigit apat na beses ang itinaas sa pagitan ng sahod ng Master Teacher I at Teacher III na nagkakahalagang P13, 861 kung ikukumpara ito sa P3, 224 na pagkakaiba noong 2007.

Dahil dito, nagkakaroon ng hindi patas na pagpupuwesto ng ranggo ng Teacher I hang­gang III at ng mas matataas na posisyon.

Uulitin natin, malaki ang gampanin ng mga guro pagdating sa kaunlaran at progreso ng kabataan at maging ng ating bayan.

Dahil dito, umaasa tayong sa lalong mada­ling panahon ay magiging sapat na ang kanilang matatanggap na suweldo. Asahan ninyo ang mga update sa pagsasabatas ng nasabing panukala sa kolum na ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page