Obiena, nasa ‘Smart training’ na

Diskarteng pinakamalupit ang ginagawang training ni Pinoy pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa pagpapatuloy ng kanyang paghahanda para sa nalalapit na SEA Games sa Pilipinas at sa 2020 Tokyo Olympic Games.
Sa isang panayam sa homegrown elite athlete na nakaere sa radyo noong Linggo, sinabi ni Obiena na mahalaga ito upang hindi bumalik ang kanyang injury na pumuwersa sa kanya na mamahinga sa loob ng may anim na buwan.
Paliwanag pa ng manlalarong nakabase sa Italy, kung saan nabugbog ang parte ng kanyang ligament habang nag-eensayo, ang direksyon niya ay ipahinga muna ito, at tutukan muna ang ibang aspeto ng paghahanda. Ito aniya ang ismarteng ensayo.
Sa kasalukuyan, bukod sa Tokyo Olympics, sasabak din ang second generation na national athlete sa SEAG dito sa Pilipinas at sa International Association of Athletic Federations (IAAF) World Athletics Championships na magbubukas sa Setyembre 27 sa Khalifa International Stadium ng Doha, Qatar.
Ang qualifying standard sa prestihiyosong paligsahan ay 5.71 metro at ito ay dalawang beses nang nahigitan at minsan nang napantayan ngayong 2019 ni Obiena kaya bitbit niya sa kompetisyon ang mataas na kumpiyansa kahit na umaakit ito ng mga pinakamalulupit na pole vaulters mula sa iba’t-ibang parte ng mundo. Bukod dito, ang 23-anyos na Pinoy ay pang-1- sa listahan ng mga pole vault global idols ngayong 2019 matapos itong makaipon ng 1,277 puntos.





Comments