Bagsak-presyong bilihin sa NCR.. Kadiwa Rolling Store, binuhay

Muling binuhay ang Kadiwa rolling store na maghahatid sa iba’t ibang lugar ng mga pangunahing bilihin sa mas mababang presyo.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, sa pamamagitan nito ay makaaahon ang masang Pilipino sa harap ng nagtataasang presyo ng mga bilihin na dulot ng mga krisis sa enerhiya at langis sa buong mundo.
Balak din ng mambabatas na gawin ang naturang programa sa ibang mga lalawigan pero, sa kasulukuyan ay nakasentro muna ito sa National Capital Region.
“Medyo NCR lang muna ang effort tapos ‘pag medyo naayos na, eh, merong interesadong makipag-partner sa Iloilo at Cebu tignan natin,” ani Marcos sa pagpapasinaya ng Kadiwa rolling stores sa Dagat-dagatan Street, Caloocan City.
“Depende kung sino ang papayag na magbagsak-presyo parang wholesale price from 10 percent to 30 percent less,” wika pa ng senadora.
Aniya, sa kasalukuyan maaasahan ang abot-kayang presyo ng mga paninda ng #ImeeKadiwa rolling stores sa partisipasyon na rin ng Puregold na kilala sa pagbenta ng mga bilihing mas mura kaysa sa mga ibang supermarket.
Matatandaang, konsepto ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Kadiwa rolling stores na pinalaganap noong Dekada 70 at 80.
Kabilang sa dumalo sa programa ang kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos, Caloocan City Mayor Oscar Malapitan at Vice-Mayor Maca Asistio.
Unang binuksan sa Bgy. Batasan, Quezon City ang naturang programa.
Ngayong araw nakatakdang dumayo naman ang nabanggit na rolling stores sa Smokey Mountain sa Maynila na layuning mailapit sa mga residente ang mas murang mga produkto sa mga residente.





Comments