Paglilibing sa mga namatay na alagang baboy, hindi basta-basta
- BULGAR

- Sep 15, 2019
- 1 min read
Nakakaalarma ang halos sunud-sunod na ulat na may mga patay na baboy at biik ang inaanod sa ilog at sapa.
Maaaring may kaugnayan ito sa African Swine Fever (ASF).
Bagama’t, wala umanong direktang panganib sa tao ang karneng infected ng ASF, malaking banta ito sa hog industry ng bansa.
Kaya nanawagan na ang gobyerno, partikular ang Department of Agriculture (DA) sa mga nag-aalaga ng mga baboy na makipag-ugnayan sa kanila kung ang kanilang mga alaga ay may sakit o namatay.
Puwede tayong lumapit sa Bureau of Animal Industry (BAI), National Meat Inspection Service (NMIS) at maging sa mga local veterinary office para sa nararapat na gawin.
Tiniyak ng mga ito na sila ang hahakot at magdedesisyon kung ano ang gagawin sa mga namatay na baboy.
Ang pagpapaanod sa mga patay na baboy ay banta sa kalusugan at maaaring kumalat pa ang virus.
Hindi rin umano basta-basta ang paglilibing sa mga ito dahil may tamang proseso.
Kaya ang pakiusap sa mga hog raiser, kung hindi tayo sigurado sa diskarteng gagawin sa mga alagang namatay, hayaan natin ang mga awtoridad na gumawa nito.
Nariyan na ang problema, huwag na sana nating dagdagan pa.
Para naman sa ating gobyerno, umaasa tayong mabibigyan ng ayuda ang mga apektado ng ASF.





Comments