Lider ng mga pasaway na kabataan, wanted.. Pulis, pinasok sa BGY. hall, binaril
Sugatan ang isang pulis matapos pasukin at barilin ng umano’y lider ng grupo ng mga kabataang pasaway sa loob ng barangay hall sa Navotas City, Biyernes ng gabi.
Ayon kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, ginagamot si P/Cpl. Mark Jhon Abiva, 31, sa Tondo Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kaliwang balikat at kanang kamay.
Pinaghahanap naman ang suspek na si alyas Ian, 17, ng Bgy. Sipac Almacen.
Sa imbestigasyon ni PCpl. Filbert Madio, alas-11:20 ng gabi, naka-duty ang biktima, kasama si PCpl. Christopher Binuhe bilang “Pulis sa Barangay” sa loob ng barangay hall ng Sipac Almacen nang biglang pumasok ang suspek na armado ng baril at pinaputukan ang pulis bago tumakas.
Hinabol ito nina PCpl. Abiva at Cpl. Binuhe subalit, nang mapansin ng huli na duguan ang kabaro ay humingi ito ng tulong sa barangay tanod na nagdala sa biktima sa naturang pagamutan.
Ani Col. Balasabas, ang suspek ay sangkot sa maliliit na krimen at palagi ring nahuhuli sa paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Isa sa mga miyembro ng pasaway na kabataan ang kinasuhan ng alarm and scandal matapos madakip ni Cpl. Abiva.
Naniniwala naman ang pulisya na ang tangkang pagpatay kay PCpl. Abiva ay ganti ng suspek sa mga pulis na patuloy ang operasyon kontra sa mga pasaway na kabataan sa naturang lugar.





Comments