Istayl ni mommy, buking! 3-month old baby, drug courier
- Mylene Alfonso
- Sep 15, 2019
- 1 min read
Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 1, ang 40-anyos na ina na ginagamit umano ang kanyang tatlong buwang gulang na anak sa pagbebenta ng ilegal na droga, kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Nakuha pa ang ilang sachets ng shabu sa suot na medyas ng baby na anak ng suspek na si Analiza Aligado, residente ng Lacson St., Tondo.
Inaresto ang suspek ni Kagawad Al ‘Batas’ Valenzona ng Bgy. 108, District 1, Tondo.
Ayon kay Valenzona, nagsasagawa sila ng clearing operation, kasama ang iba pang kagawad at mga barangay tanod sa kahabaan ng Capulong St., alas-8:45 ng umaga nang maabutan si Aligado na nagbebenta ng shabu.
Nakita umano ni Valenzona na may inaabot ang suspek na pinaniniwalaan nitong shabu kaya nilapitan ang ginang na may kargang sanggol at napansin ang bumubukol sa medyas nito.
Inusisa umano ang nasa medyas ng sanggol at dito nakita ang dalawang sachets ng shabu habang nakuha rin mula sa suspek ang cellphone at iba pang drug paraphernalias.
Hindi umano nakatira sa lugar ang suspek at dumarayo lamang sa lugar para magbenta ng shabu.
“Dito siya sa amin nagma-market, pinagbantaan ko na sila noong isang linggo na lisanin ang lugar namin.. kapag nakita ko pa sila ay tiyak na huli na sila. ‘Yung suspek na si Ana, drug user pati asawa niya, user din,” sabi ni Valenzona.
May walong anak na ang suspek at ang kasamang sanggol sa pagtutulak ay bunso nitong anak.





Comments