3 bayan sa Romblon apektado ng oil spill
- Mylene Alfonso
- Sep 15, 2019
- 1 min read

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlong bayan sa lalawigan ng Romblon ang apektado ng oil spill.
Batay sa nakarating na ulat sa PCG Headquarters sa Maynila na ipinadala ng PCG-Marine Environmental Protection Unit, kabilang sa mga apektadong bayan ang Odiongan, San Andres, at Ferro, pawang nasa Tablas Island, Romblon.
Nakumpirma ang oil spill matapos magsagawa ng inspeksiyon ang nabanggit na unit ng PCG.
Ayon sa Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources, itim na substance ang nakita malapit sa baybaying-dagat ng Bgy. Agpudlos, San Andres.
Ayon sa mga residente, nakakita sila ng lumulutang na debris ng langis may pitong araw na ang nakalilipas pero, wala naman silang namataang barko na naaksidente para maging sanhi ng oil spill.
Ayon kay PCG Spokesman Armand Balilo, ang insidente ay huli na nang i-report ng mga lokal na residente. Posible umanong nag-leak ang mga langis mula sa isang malaking vessel o oil tanker na dumaan sa Tablas Straight.
Humingi na rin ng assistance ang PCG sa local government unit para sa coastal clean-up. Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.





Comments