Prostitution, casino, party-party, etc.. Iba pang raket sa Bilibid, nabulgar!
- Mylene Alfonso
- Sep 13, 2019
- 3 min read

Nabunyag pa ang iba’t ibang ilegal na transaksiyon sa New Bilibid Prison (NBP) kasabay ng pagdinig sa Senado kaugnay sa kontrobersiyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ibinunyag ni dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos na matindi ang mga raket sa Bilibid.
Si Ragos ay namuno sa BuCor noong panahon ng Aquino administration.
Aniya, kabilang sa sinasabi nitong source ng pera ng bureau officials ay suhol mula sa mga sugalan na 24-oras ang operasyon, pagpasok ng pagkain at pagtaga sa food allowance ng inmates o ‘catering’, kidnap-for-ransom at pagpasok ng mga babae para sa high-profile inmates.
Itinago ang deal sa mga babae sa code na “Tilapia” na umaabot umano sa P30,000 ang bayad para sa isang babae upang mag-perform at iba pang gawain.
Nabanggit pa bilang halimbawa ang grupo ng “Mocha Girls” na isa umano sa mga pinapasok sa national penitentiary noong mga nakalipas na panahon. May tinatawang ding ‘special request’ o pagpasok ng foreign entertainers na ilang araw namamalagi sa loob.
Mismong mga empleyado rin umano ang nagbebenta ng mga kontrabando tulad ng cellphone, alak, yosi, baril at droga sa Bilibid. Negosyo rin umano ang mga nagaganap na party at concerts dito.
Lumabas naman na P300,000 ang minimum na natatanggap ng BuCor official kada linggo at iba pa ang pasalubong kapag may bagong talagang pinuno, habang P5 million para sa special deals.
Si Ragos, ay una na ring tumestigo sa drug case laban kay Sen. Leila de Lima, kung saan nasa ilalim siya ng witness protection program at binigyan din ang una ng legislative community para sa kanyang naging testimonya.
Ayaw kumanta.. 3 Bucor officials, kulong sa Senado
PANSAMANTALANG ikukulong sa basement ng Senado ang tatlong opisyal ng BuCor makaraang patawan ng contempt ng Senate Committee on Justice and Human Rights dahil sa umano’y pagtatago ng katotohanan.
Kabilang sa mga ito sina BuCor Legal Chief Atty. Frederick Santos, Dr. Urcisio Cenas at documents section head Ramoncito Roque.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng komite, ikukulong ang tatlo hangga’t hindi sila makapagbibigay ng kapani-paniwalang paliwanag.
Mismong ang dating BuCor head na si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa pa ang nagpanukalang i-cite in contempt ang tatlo dahil sa hindi pagsasabi ng buong katotohanan.
Una rito, mismong si Roque ay umamin na may katiwalian talagang nangyayari sa loob ng Bilibid. Posible rin aniya na may iba pang pangyayari na hindi na lamang nakararating sa kanilang kaalaman.
Mga ilegal na negosyo, pinalusot.. De Lima at Lover, idiniin sa P5 milyong quota sa Maunti
IDINIIN ni NBI Intelligence Officer Jovencio Ablen Jr. si dating DOJ secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima sa mga umano’y korupsiyon sa loob ng Bilibid.
Bilang bahagi aniya ng dating kalihim sa lahat ng mga money-making schemes sa loob, may isang tagpo na umabot sa limang milyong piso umano ang “cut” ng senadora na tinatawag nila noong “quota kay lola”.
Minsan na umano itong nagdala ng mga pera sa bahay ng senadora sa Parañaque kung saan naghihintay ang karelasyon at driver bodyguard nitong si Ronnie Dayan.
Baliw-baliwan para negosyong droga, tuloy.. Istayl ng mga preso, buking!
IBINULGAR ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na may ilang preso sa Bilibid ang nagpapanggap na baliw.
Aniya, paraan nila ito upang maitago ang pagiging bahagi nila sa mga ilegal na gawain sa loob. Maaari umanong may mga presong nasa psychiatric ward ng Bilibid na wala namang problema sa pag-iisip.





Comments