top of page

Mga patay na baboy inanod sa Marikina river

  • Madel Moratillo
  • Sep 13, 2019
  • 1 min read

Ilang patay na baboy na pinangangambahang apektado ng African Swine Flu (ASF) ang nadiskubreng itinapon at ipinaanod sa Marikina River.

Ayon sa Marikina Veterinary Office, hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Huwebes ay 16 patay na baboy ang nakita sa ilog sa bahagi ng Bayabas Street sa Bgy. Nangka.

Isa rito ay nakita malapit sa estatwa ng Marikit, lima ang na-trap sa mga basura sa ilog at ang iba pa ay patuloy na inaanod ng malakas na agos ng tubig.

Dalawa umano sa mga baboy ay naiahon malapit sa area ng Kalumpang Chapel at nailibing na ng mga residente.

Umapela naman si Marikina City Mayor Marcelino Teodoro sa Department of Agriculture (DA) na imbestigahan kung saan nagmula ang naturang mga patay na baboy na naanod sa kanilang lugar at kung ano ang ikinamatay ng mga ito, sa pangambang tinamaan sila ng ASF.

Giit ni Teodoro, walang slaughterhouse at wala ring mga piggery sa kanilang lungsod kaya posibleng mula aniya ito sa bahagi ng Rizal at naanod lamang sa kanilang lugar.

Matatandaang, sa area ng Rizal unang inilibing ang libu-libong baboy na hinihinalang tinamaan ng ASF.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page