Babala: Hindi lahat ng for sale online ay safe!
- Ryan B. Sison
- Sep 13, 2019
- 2 min read

Damit, pagkain, gamot at mga produktong pampaganda, ilan lang ang mga ito sa mga kadalasang ibinebenta online.
Dahil napakadaling mamili rito at kung minsan, ‘sale’ pa, maraming konsiyumer ang tumatangkilik.
Gayunman, bukod sa mga murang produkto at malawak na pagpipilian, uso rin ang mga produktong nangangakong makapagpapagaling ng ilang problema sa kutis o malubhang sakit.
Pero, babala ng mga awtoridad, hindi lahat ng ibinebenta rito ay walang masamang epekto sa kalusugan ng tao dahil ilan sa mga ito ay nabibili na kahit hindi pa aprubado ng gobyerno.
Samantala, alinsunod sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration (FDA) Act of 2009, nagbabala ang mga awtoridad na mananagot ang sinumang nagbebenta ng mga gamot, pagkain at skin product na hindi aprubado ng FDA.
Paliwanag ng mga eksperto, kapag hindi FDA-approved ang produkto, maaaring makasama ito sa katawan dahil sa kemikal at sangkap nito na hindi dapat mapunta sa katawan ng tao.
Payo ng mga awtoridad sa mga konsiyumer, siguraduhing FDA-approved ang bibilhing produkto sa pamamagitan ng website ng ahensiya.
Samantala, maituturing na criminal offense ang false advertising kung saan maaaring patawan ng isa hanggang sampung taong pagkakakulong at multang P50, 000 hanggang P500, 000 ang mapatutunayang may sala.
Bilang konsiyumer, bago bumili, responsibilidad nating alamin kung walang masamang epekto sa ating kalusugan ang mga produktong binibili natin, partikular na sa mga gamot, pagkain at produktong pampaganda.
Gayundin, huwag tayong magpalinlang sa mga murang produkto at magagandang advertisement hangga’t hindi tayo nakasisigurong FDA-approved ang mga ito.
Paalala sa lahat, maging mapanuri at wais na konsiyumer para hindi maging biktima ng mga pekeng produkto.
At para sa mga nagbebenta ng pekeng produkto, maghanapbuhay kayo nang tama at please lang, huwag kayong manlamang!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments