Team Liyab positibo sa SEAG gold sa E-Sports

OPTIMISTIKO ang ilang miyembro ng Team Liyab na makakapasok ang mga pambato nila para sa pambansang koponan ng ESports na nakatakdang mag-debut sa 30th edition ng Southeast Asian Games na magbubukas simula Nob. 30 hanggang Dis. 11 sa bansa.
Dalawa sa miyembro ng Team Liyab ng Globe Telecom at ng Mineski, na sina Kevin “Gambit” Dizon at Caviar “Enderr” Acampado ay umaasang mapapasama sa pinal na listahan ng national team na Sibol para sumabak sa biennial meet ay naglalaro sa Arena of Valor at Star Craft 2.
“Tingin ko malaki ang tsansa ko na makapasok sa SEA Games kase nakakalaban rin namin sila kaya alam namin ang diskarte ng laro nila,” ayon sa kampeon ng Star Craft2 na si Acampado sa lingguhang PSA Forum sa Amelie Hotel sa Manila.
Kabilang sina Dizon at Acampado sa 36 na manlalaro ng ESports na direktang inimbitahan para mapabilang sa national pool at nag-aasam na maging parte ng Sibol National Pool na nagpakitang gilas noong nakalipas na August 29-31 circuit sa Ayala Malls.
Anim na gintong medalya ang paglalabanan ng ESports sa biennial meet na gaganapin simula Dis. 6-10 sa Fil-Oil Flying V sa San Juan, kung saan paglalaban rito ang Dota 2, Mobile Legends: Bang Bang, Arena of Valor, Tekken 7, Hearthstone, at StarCraft II.





Comments