top of page

Tsaa, epektib na pantanggal sa kuliti

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Sep 11, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Ilang beses na akong tinutubuan ng parang butlig sa mga mata. Ang sabi ng friend ko, baka raw kuliti na ito dahil sa madalas kong paggamit ng mascara at liquid eyeliner at dapat daw i-check ko ang expiry dates nito. Ganu’n ba ‘yun? Ano ba ang epektib na gawin para mawala ito? Thanks! — Jenny

Sagot

Ang kuliti o stye ay hindi seryosong sakit. Ito ay namumulang pantal na kahawig ng pimple na maaaring tumubo sa labas o sa gilid ng talukap ng mga mata.

Ang talukap ng mga mata ay naglalaman ng napakaraming oil glands na maaaring matakpan ng dumi sa katagalan. Kung ang oil glands ay mabarahan ng dumi, ang mga mikrobyo o baktirya ay maaaring dumami sa loob. Ito ang pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng kuliti.

Ang kuliti ay kadalasang may kasamang sakit at pamamaga at abnormal na pagluluha.

Ano ang maaaring gawin upang hindi ito lumala?

  • Gumamit ng malinis na tela o gasa. Basain ito ng maligamgam na tubig at ilagay ang basang tela sa apektadong mata sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Gawin ito tatlo hanggang apat na ulit, araw-araw. Ang maligamgam na temperatura ay tutunaw sa nana at tutulong na mawala ang kuliti sa natural na paraan.

  • Huwag maglagay ng make-up para itago ang kuliti. Ang paglalagay ng make-up ay magpapatagal lamang sa proseso ng paggaling nito. Kung gumagamit ng contact lens, mainam na gumamit muna ng normal na salamin para maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.

  • Gumamit ng baby shampoo. Ang paglinis ng talukap ay makatutulong na maiwasan ang pagkakaroon ng kuliti. Gumamit ng baby shampoo, ihalo ito sa maligamgam na tubig at ipahid sa talukap gamit ang cotton buds at banlawan nang maayos.

  • Huwag gumamit ng lumang make-up. Ito ay posibleng nagtataglay ng mikrobyo at magdulot lamang ng impeksiyon sa mga mata. Regular na hugasan ang mga brush at itapon ang make-up products na mahigit tatlong buwan nang ginagamit.

  • Gamitin ang teabag bilang hot compress. Imbes na gumamit ng tela, maaaring gumamit ng teabag bilang compress. Ang green tea ay makatutulong upang maalis ang pamamaga ng kuliti at mayroon din itong sangkap na pumapatay sa baktirya. Magpakulo ng tubig at ilagay sa tasa ang teabag. Hayaan ito sa mga mata sa loob ng 5 hanggang 10 minuto.

Tandaan, huwag tirisin ang kuliti dahil puwede itong maging dahilan ng mas malalang problema. Ang paglabas ng nana ay magpapakalat lamang ng impeksiyon. Hayaan na kusa itong matiris o pumunta sa doktor para ito ang gumawa sa pagtanggal ng nana.

Gayundin, kung ang kuliti ay lumalaki at sumasakit na hindi mawala-wala sa loob ng ilang araw, makabubuti kung ipa-check-up na ito upang maresetahan ng antibiotic.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page