top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Ombudsman, sinuspinde agad ang mga opisyal ng BuCor, very good!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 11, 2019
  • 2 min read

NAPABILIB tayo kay Ombudsman Samuel Martires. Hindi pa tapos ang imbestigasyon sa Senado kaugnay sa iskandalo tungkol sa pagpa­palaya sa convicted murderers, rapists, drug lords at iba pang karumal-dumal na krimen, nag-utos agad siya na suspendihin nang anim na bu­wan ang 27 opisyales ng Bureau of Cor­rections (BuCor).

Habang nag-iimbestiga ang Senado, nag-iimbestiga na rin ang mga tauhan ng Ombuds­man.

Ayon sa kautusan, batay daw sa testimonya ng mga saksi at dokumento, may malakas na basehan daw ang akusasyon sa kanila na pina­laya ng mga opisyal na ito ang nasabing mga aku­sado na malinaw na labag sa ating batas.

Hindi pa diretsahang matukoy ng Ombuds­man kung ginawa ito ng mga opisyal dahil na­bayaran sila ng limpak-limpak na salapi o engot lang talaga sila.

Sinuspinde sila dahil kung mananatili sila sa puwesto, maaaring pakialaman nila ang mga dokumento o takutin ang mga testigo para pag­takpan ang kanilang krimen.

‘Yan ang dapat gawin ng Ombudsman, aksi­yon agad!

Mahigit 2,000 akusadong kriminal sa karumal-dumal na krimen ang napalaya mula pa noong 2014 sa ilalim ng batas na ipinasa ni da­ting Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III na Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Sa batas na ito ay binabawasan ang senten­siya ng bilanggo batay sa “pagpapakabait” nito habang nasa Bilibid.

Ang problema, mali ang kompyutasyon ng mga opisyal, sobra-sobrang taon ang ibinaba­was nila sa sentensiya ng akusado.

Malamang, kapag nabayaran ang mga taga-BuCor, napakadali na lang para sa kanila ang mag-”magic” o imaniobra ito.

Nabuking ang kabulastugang ito nang pumutok ang balitang mapalalaya sa ilalim ng GCTA Law si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na convicted rapist at murde­rer na napan ng pitong ulit na reclusion per­petua.

Ayon sa opisyales ng BuCor, batay daw sa GCTA Law, maaari nang makalaya ang dating alkalde.

Mga gunggong! Ang hatol kay Sanchez ay pitong reclusion perpetua o pitong beses na 40 taon o 280 taong pagkakakulong at hindi 40 taon lang na siyang ginamit na batayan ng mga palpak na taga-BuCor para mabigyan ito ng GCTA.

Lumalabas din na hindi lang sa kaso ni San­chez nangyari ang ganito dahil mahigit 2,000 convicted murderers, rapists, drug lords at iba pang karumal-dumal na krimen ang diumano’y napalaya sa ilalim ng nasabing batas.

Kaugnay nito, may testigo na ibinunyag sa naganap na hearing sa Senado na hiningian di­umano sila ng pera o “bayad” ng mga opisyal ng BuCor para mapaaga ang kanilang paglaya.

Grabe, madalas, ilang taon bago matapos ang paglilitis at gumagastos ang pamilya ng mga biktima para sa ipinaglalabang hustisya at napakaraming iginugol na panahon ang mga huwes na naglilitis.

Tapos, dahil sa mga “bu­waya”, madaling na­palalaya ang mga kriminal, gaano man ka­bigat ang kanilang krimen at katagal ang ka­ni­lang sentensiya.

Sa totoo lang, ang mga opisyal ng Bureau of Corrections ang dapat ikulong sa Bilibid nang habambuhay!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page