Kung sa Senado, pinagdedebatehan pa... Farm sa Palawan, 2 taon nang may hiwalay na CR para sa Girl,
- Jersy Sanchez
- Sep 11, 2019
- 2 min read

SA pagputok ng isyu hinggil sa umano’y diskriminasyon sa isang transgender woman na pinigilang gumamit ng women’s CR sa isang mall, umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizen. Umabot pa sa Senado ang issue at pinagdebatehan kung dapat na nga bang bigyan ng sariling CR ang mga bading at tibo.
May ilang nagtanggol sa transwoman habang may ilan namang tutol dahil tila wala na umanong ‘privacy’ ang kababaihan kung ang CR para sa kanila ang gagamitin ng mga ito.
Pero alam n’yo bang bago pa naging malaking issue ang tungkol sa bagay na ito, isang farm sa Palawan ang sikat na dahil sa pagkakaroon ng sari-sariling comfort room para sa lahat ng gender?
Dalawang taon na nang binuksan ng Yamang Bukid Farm sa Bgy. Bacungan, Puerto Princesa City ang palikuran kung saan binibigyan ang mga turista ng kalayaan na gumamit nito, anuman ang kanilang sexual orientation.
Sa pangangasiwa ng nakatatandang kababaihan sa Yamang Bukid Farm, ang palikuran ay nasa isang pasilyo at may magkakahiwalay na silid para sa mga tinaguriang girl, boy, bakla at tomboy.
Ang establisimyento ay gawa sa kongkreto at may bubong na gawa naman sa indigenous materials. Sa labas nito, may porselanang lababo at gripo habang ang bawat toilet ay mayroong flush at bidet.
Madaling matukoy kung para kanino ang bawat CR dahil sa label nitong may itim na background kung saan nakasulat gamit ang puting tinta ang mga label na “Girl”, “Boy”, “Bakla” at “Tomboy” sa bawat pintuan.
Kung para sa iba, nakasasakit ang matawag na ‘bakla’ o ‘tomboy’, ayon sa receptionist ng farm, ang mga terminong ito ay ginamit para ilarawan ang sexual label nang walang halong malisya o pang-iinsulto dahil may mga indibidwal na mas gustong matawag nang ganito.
Ayon sa designer ng palikuran na si Benjie Monegasque, adbokasiya ng Yamang Bukid ang equality at respeto sa lahat, anuman ang kanilang kasarian, gender expression at sexual orientation.
At siguro, kung ganito lang din ang paniniwala ng may-ari ng ibang establisimyento, mas magkakaroon ng respetuhan at maiiwasan ang mga kaguluhan at pagtatalu-talo tungkol sa gender issue.





Comments