DOH: Karneng baboy, pakuluan bago lutuin para safe sa ASF
- Ryan B. Sison
- Sep 11, 2019
- 1 min read

Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na 16 sa 20 sinuring dugo mula sa mga nagkasakit na baboy ang nagpositibo sa African Swine Flu (ASF).
Ang ASF ay nakamamatay na viral disease kung saan wala umanong bakuna o lunas dito.
Kaugnay nito, nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi ito nakaaapekto sa kalusugan ng tao, pero may ilang paalala ang ahensiya sa publiko.
Dapat umanong tiyaking maayos ang pagluluto ng karneng baboy sa pamamagitan ng pagpapakulo bago lutuin.
Gayundin, wala umanong dapat ikabahala ang publiko, lalo na kung ang karne ay galing sa maayos at malinis na pamilihan.
Bagama’t, ipinaliwanag ng DOH na walang direktang epekto o banta sa kalusugan ng tao ang ASF, maaari itong makasira sa hog industry na makaaapekto sa presyo at suplay ng karne sa bansa.
Ayon sa DOH, dahil madaling kumalat sa mga alagang baboy ang ASF, pinapayuhan nito ang mga hog raiser na iwasan ang swill feeding o pagpapakain ng mga tirang pagkain sa kanilang mga alaga.
Gayunman, standard operating procedure o SOP para sa DA ang maglatag ng mga paraan para hindi kumalat ang naturang sakit kaya panawagan sa publiko, suportahan ang mga ipinatutupad na hakbangin ng DA.
Hindi porke walang banta sa ating kalusugan, hindi na tayo mag-iingat.
Tandaan, dapat pa rin nating piliin ang ating mga kakainin, partikular sa mga karne.
‘Ika nga, walang masama sa pagdodoble-ingat, lalo na kung kalusugan ang pinag-uusapan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments