Witness lumutang.. Presong kakanta sa laya for sale, papatayin
- BULGAR

- Sep 10, 2019
- 1 min read

ISANG preso na umano’y biktima ng “Laya for Sale” sa New Bilibid Prison (NBP) ang lumutang sa Senado para patotohanan ang alegasyon hinggil sa pagkakasangkot ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) sa naturang raket.
Ayon kay Godfrey Gamboa, siya at ang kanyang asawang si Yolanda Camilon ay nakipagtransaksiyon kina Ramoncito Roque, BuCor Documents and Record Section chief, at BuCor Senior Inspector Maria Belinda Bansil para sa maaga niyang paglaya.
Ayon kay Gamboa, sa kanyang pananatili sa NBP mula pa noong 2018, nakatanggap siya ng impormasyon na madali siyang makakalaya kung magbibigay siya ng pera para mapabilis ang proseso ng kanyang papeles.
Nagbenta pa umano ang kanyang asawa ng property at nanghiram din ng pera para lang magkaroon ng inisyal na pambayad para mapabilis ang kanyang release paper.
Sinabihan umano siya noong una na makakalabas siya nitong nagdaang Marso subalit, hindi siya nakalabas.
Dahil hindi naman nabawi ang pera at hindi rin natupad nina Bansil at Roque ang pangako, nangako siya na kanyang paglabas sa Nobyembre ay ibubunyag ang korupsiyon sa loob ng NBP.
“Hindi makapagsalita ‘yung mga tao ru’n sa Bilibid dahil hawak nila ang buhay namin, ikukulong kami o paparusahan. Sabi ko na kapag nakalaya ako sasabihin ko sa Senado ang mga katarantaduhan doon,” ani Gamboa.
Samantala, dahil nalalagay sa alanganin ang buhay ni Gamboa, inirekomenda ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ilagay ito sa Witness Protection Program. (BRT)





Comments