top of page
Linda Walker - Circulated.jpg

Mga negosyante, tiba-tiba, binarat na magsasaka, lugmok na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10, 2019
  • 2 min read

MARAMI ang hindi nakauunawa kung paano ang laro ng suplay at demand ng bigas at palay.

Dapat nating maunawaang magkaiba ang “bigas” at “palay”!

◘◘◘

ANG bigas ay nagmumula sa palay na siyang inaani ng mga tradisyunal na magsasaka sa Pilipinas.

Ang bigas sa bansa ay nagmumula sa dalawang klase ng lugar — sa loob mismo ng bansa at mula sa ibang bansa kung saan ito inangkat mula sa ani ng mga dayuhang magsasaka.

Mahalagang maunawaan ito upang masuri kung saan nagmumula ang problema ng suplay at kung paano naglalaro ang “presyo”!

◘◘◘

MAY dalawa ring klase ng “palay” ang pinagmumulan ng bigas sa Pilipinas.

Una, ang mga inimbak na palay na pinagmumulan ng tinatawag na “laon na bigas”.

Ang “laon na bigas” mula sa inimbak na palay ay hindi “karibal o hindi kakumpitensiya” sa presyo ng mga bigas na nagmula sa ibang bansa.

Ikalawa, ang palay na bagong ani, ang “bagong bigas”, awtomatikong ginigiling o idinidiretso sa ricemill ang palay, ilang linggo matapos anihin ng mga tradisyunal na magsasaka.

Mas mura ang “bagong bigas” kaysa sa bigas na laon o nagmula sa palay na inimbak nang may ilang buwan mula sa bodega ng mga big- time rice trader!

◘◘◘

MARAMING imported rice na nakapasok sa Pilipinas na may matataas ang kalidad at siyempre, matataas din ang presyo sa supermarket, pero ‘yan ay karaniwang pinaliliguan ng kemikal.

Marami rin sa mga ito ay nilalagyan ng “pabango” upang magmukhang masarap o magandang kainin!

◘◘◘

DAHIL may kakumpitensiya sa presyo ang mga palay na bagong ani, ibinabagsak ang presyo nito ng cartel o rice trader na karaniwan ay bigtime businessman din — karaniwan ay mga may dugong Tsino.

Sila ang nagdidikta ng presyo kung saan ibinagsak ang presyo sa P7 hang­gang P10 kada kilogramo.

Sa nakaraang mga buwan, walang gaanong bagyo kaya nagkaroon ng surplus ng mga “bagong ani na palay” na lalong nagpabagsak ng presyo.

Siyempre, ‘yan ay epekto ng “supply and demand”!

◘◘◘

GAYUNMAN, ang senaryong ito ay sinamantala ng cartel upang makopo ang palay na bagong ani ng magsasaka na iniimbak nila sa bodega ng mga lalawigan o malalayong rehiyon.

Ibig sabihin, papakyawin sa murang halaga ang palay na inaani ng magsasa­kang Pinoy upang maiimbak ito sa mga bodega kung saan itatayming ang paglalabas nito sa senaryo na kapos ang imported rice sa mga susunod na panahon!

◘◘◘

KAHIT itaas o ibaba ang presyo ng palay at bigas, ang makikinabang dito ay ang mga buwitreng kakutsaba ang mga buwaya sa pamahalaan.

Kapag tinaniman ng palay ang mga nakatiwangwang na lupain, sisigla ang mga magsasaka at magkakaroon ng hanapbuhay ang milyun-milyong Pinoy sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Maaari ring mag-export ng bigas ang Pilipinas imbes na mag-import — mula sa malawakang pagtatanim sa mga kinalbong bundok at kagubatan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page