top of page
WINNER - DEREK- ‘DI AKO NAGDA-DRIVE NG CAR NA MAY FAKE PLATES_IG _ramseyderek07.jpeg

Batas sa pagtuturo sa mga estudyante sa paghahanda sa lindol, isinusulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 10, 2019
  • 2 min read

ISA sa mga lubos na kinatatakutang sitwas­yon ay ang lindol dahil sa matinding pinsalang idinudulot nito sa ating kalikasan, tahanan at lalo na ang buhay na maaari nitong bawiin.

Kamakailan, may mga naiulat na mahihinang paglindol sa iba’t ibang panig ng ating bansa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Mahina man o malakas, ang mahalaga ay da­pat maging alerto at maalam ang lahat sa dapat at hindi dapat gawin kapag lumilindol.

Sa ganitong pagkakataon na hindi natin alam kung kailan darating ang sakuna, anu-ano ba ang mga da­pat gawin at alalahanin upang ma­proteksiyunan ang ating mga anak o batang mag-aaral habang sila ay nasa paaralan?

Palaging paalala ng PHIVOLCS na mainam na tayong nakatatanda muna ang dapat maging handa. Paano natin mapoprotektahan ang mga nakababata kung tayo mismo ay hindi alam ang tamang pag-aksiyon?

Ayon sa Citizens’ Disaster Response Center (CDRC), kapag may lindol, unahing protektahan ang sarili tulad ng pagkapit, pagdapa, pagha­wak sa ulo at magtago sa ilalim ng mesa o upuan.

Mahalaga rin na nakahanda palagi ang ating emer­gency kit para sa sarili at sa mga bata. Higit sa lahat, magsagawa ng mga earthquake drill at sana ay ma­kilahok ang lahat at huwag itong ipagsawalambahala.

Walang kontrol ang tao sa pagdating ng lindol o anumang sakuna kaya isa ito sa mga da­pat bigyang-pansin ng mga Pinoy dahil hindi natin alam kung saan at kailan darating ang kalamidad mula sa ka­likasan.

Napakahalagang maging handa ang mga estud­yante sa anumang oras. Kaya naman, ang ating suhestiyon sa mga guro ay maglaan ng oras sa klase na ituro ang mga ito sa kanilang mga estudyante.

Hinihikayat na maipaliwanag at maipaintindi sa kanila na hindi lamang ang sanhi at epekto ng lindol ang kailangan nilang malaman kundi ang mga ang­kop na aksiyon para mailigtas ang sarili kapag may dumarating na sakuna.

Habang kinikilala natin ang malaking gampanin ng mga kaakibat na ahensiya ng gobyerno para sa pag-iwas, pagsugpo at paglutas ng mga suliraning pangkalamidad, mainam ding magsanib-puwersa ang mga lokal na tanggapan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga pa­aralan para sanayin hindi lamang ang mga estud­yante kundi ang mga teaching at non-teaching per­sonnel ng eskuwelahan tuwing magsisimula ang school year.

Ang ilang mga nabanggit ay kabilang sa nilala­yon ng isinumiteng panukalang-batas sa Senado na Se­nate Bill No. 736 o Disaster Preparedness in Schools Act na inaasahan nating maipapasa ngayong ika-18 Kongreso.

Tandaan, kahandaan ang unang magliligtas sa atin mula sa kapahamakan.

Kasama sa pagbibigay ng magandang kinabu­kasan ng kabataan ay ang pagtutok sa kanilang kaligtasan at seguridad.

Kaya mainam na habang bata pa, mamulat na sila sa tamang aksiyon kapag dumating ang kalamidad, lalo na kung malayo sa kanilang tirahan at wala silang kasamang mga magulang o guardian.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page