Basilan-st. clare, diretso sa d-league Q’ Finals


SUSULONG ang BRT Sumisip Basilan-St. Clare papasok ng 2019 PBA D-League Foundation Cup quarterfinals na may malinis na marka matapos kumpletuhin ang elimination round sweep sa pamamagitan ng 138-101 na paggapi sa Italiano’s Homme kahapon sa Paco Arena sa Manila.
Nagtala si Malian slotman Mohammed Pare ng 16 puntos at 14 rebounds upang pamunuan ang nasabing ika-6 na sunod na panalo ng Saints. Sinundan siya ni Darwin Lunor na tumapos ding may 16 puntos, Jessie Collado na may 14 puntos at 7 rebounds at Joshua Fontanilla na may 13 puntos, 10 rebounds at 9 na assists.
Bagamat nasa panig nila ang momentum, hindi pa rin kampante si BRT Sumisip-St. Clare coach Stevenson Tiu. “Siyempre pagdating sa quarterfinals, semifinals, ibang istorya na yan. Yung mga tambak namin, hindi naman namin maca-carry over. So we will start from scratch again,” pahayag nito.Nakatakdang makatunggali ng Saints na may insentibong twice-to-beat sa quarters ang Hyperwash. (VA)





Comments