Amit, 2nd place, China, champ sa World 9-ball
- Eddie M. Paez, Jr.
- Sep 10, 2019
- 2 min read

HINDI pinayagan nina Anthony Cortes Raga at Rubilen Amit na walang kinatawan sa podium ang Pilipinas nang pareho nilang nahablot ang bridesmaid honors sa men’s at women’s bracket ayon sa pagkakasunod-sunod nang malupit na 2019 World 9-Ball China Open sa Pudong Tangzhen Culture and Sports Center ng Shanghai, China.
Hindi maituturing na tsamba ang naging laro ni Raga at hindi rin mahina ang mga karibal dahil kasama sa mga ginawang tuntungan ng Pinoy ay ang mga panalo kontra sa mga bigating personalidad ng global billiards para makuha ang karangalan.
Ang listahan ay kinabibilangan nina Albanian World Pool Billiards Association (WPA) no. 16 Eklent Kaci (11-8), Chinese Fu Jianbo (11-5), WPA no. 17 at kapwa Pinoy Johann Chua (11-9), WPA no. 2 Niels Feijen ng Netherlands (11-8), WPA no. 8 at Scotland gem Jayson Shaw (9-7) at si Puerto Rican Enrique Rojas (9-8).
Bukod dito, hindi seeded sa main draw si Raga, wala sa WPA elite list pero pang-30 sa Fargo Ratings, at kinailangan pa niyang dumaan sa qualifying rounds kung saan sinagasaan niya sina Shen Shenyi (China, 9-2), Thorsten Hohmann (Germany, 9-4) at Xu Xiacong (China, 9-1).
Noong championship round, napuwersa ng Cebuano si Fargo listing top rated Wu Jiaqing sa isang hill-hill na bakbakan bago ito kinapos (10-11) kaya nakuha ng pambato ng punong-abalang China ang korona at ang gantimpalang USD 40,000.
Sa kabuuan, siyam na panalo at dalawang talo ang naging rekord niya sa torneo.
Sa kabilang dako, hindi kinaya ni Amit ang opensa ng pinakamalupit na lady cue artist sa buong mundo na si Chen Siming ng China sa finals, 3-9, kaya nagkasya ito sa pangalawang puwesto.
Tinapos ng isa pang Cebu pride ang paligsahan na may bitbit na anim na panalo at dalawang talo.





Comments