Gobyerno, naisahan, pinaglalaruan lang ng mga drug lord

BUKOD sa nabibiling maagang paglaya, mabenta rin daw ang tinatawag na ‘hospital referral official pass’ sa Bilibid.
Ito ‘yung iniisyu sa mga bigtime inmate na gustong mag-relax o mailipat mula sa maximum security compound papuntang medium o sa minimum kung saan mas hayahay.
Ito ay dalawa sa marami pang patunay na buhay na buhay ang negosyo sa Bilibid at sa iba pang prison facilities.
Hindi totoo na lahat ay nabubulok sa kulungan. Madalas, ‘yung may pinakamabigat na kasalanan, sila pa ‘yung may pinakamagandang kalagayan sa loob o nakalalaya pa. Bakit? Pera-pera!
‘Yung inakala nating nagbabayad ng kasalanan, buhay-hari pala sa kulungan.
Habang nagluluksa ang pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen, sila pa-relax-relax lang. Naghihintay ng pagkakataon kung kailan lalaya gamit ang pera at koneksiyon.
Kapag tuluyang nakalaya, babalik lang sa iligal na gawain at kapag nahuli, ganu’n ulit. Malinaw na niloloko at pinagtatawanan lang ang gobyerno.
Ang tanong, may gobyerno nga ba sa loob? Harap-harapan nang binabastos ang batas at ang malala, mismong mga opisyal ay walang magawa o kung meron man, ‘yun ay ang makipagsabwatan.
Bagama’t, ngayon lang nabulgar ang matagal nang kalakaran, tingnan na rin natin kung may magagawa pa ba sa Bilibid.
Kaya bang tapatan ng tapang ng administrasyon ang limpak-limpak na pera ng mga drug lord?





Comments