Reklamasyon sa Manila Bay, perhuwisyo kesa benepisyo
- BULGAR

- Sep 7, 2019
- 3 min read
KUNG ipinanganak ka na noong Dekada 50 o 60, maaaring may munti kang alaala sa Roxas Boulevard. Naalala natin ang kakaibang amoy ng lugar na ito kung saan amoy na amoy ang tubig-alat. Napakasarap sa pakiramdam ang maglakad dito habang sinisilayan ang batuhan sa tabi ng breakwater.
May kakaibang dating ang hampas ng alon sa mga bato, nakakatuwa na nakakatakot sa murang isip ng bata. Mapalad tayong buhay na sa mga panahong hindi pa pinakikialaman ang mga baybaying-dagat. Wala pang reklamasyon para sa sari-saring proyektong pinagkakakitaan ng gobyerno at malalaking korporasyon.
Nagbago na ang Manila Bay at tinatangka itong muling baguhin para sa pagkakaperahan mula sa reklamasyon. Ano ang ibig sabihin ng reklamasyon? Ang land reclamation ay paglikha ng ‘bagong lupain’ sa pamamagitan ng pagtatambak ng lupa sa anyong tubig, partikular sa mga baybayin. Ayon sa mga eksperto, masalimuot at delikado ang reklamasyon dahil sa “liquefaction” o paglambot ng lupa na maaaring magpatumba sa mga gusaling nakatayo sa tinambakang lugar.
Sa pagbabago ng hugis ng mga baybayin dahil sa reklamasyon, maraming seryosong problema ang kailangang harapin dahil sa pagbabago ng klima (climate change). Naririyan ang tsunami, storm surge at super typhoon na kumikitil ng libu-libong buhay at sumisira sa napakaraming ari-arian tulad ng Bagyong Yolanda. Naririyan din ang “land subsidence” o pagbaba ng lupa dahil sa patuloy na paghigop ng tubig mula sa ilalim ng lupa (ground water).
Ito ang tinalakay noong nakaraang Huwebes sa De La Salle-College of Saint Benilde Manila. Ipinaliwanag sa amin ng mga eksperto ang iba’t ibang proyektong reklamasyon na nagbabantang baguhin at dagdagan ang panganib sa Manila Bay. Labinlimang proyekto ang naghihintay maaprubahan ng pamahalaan ang nakaambang ‘pagbabago’ tulad ng Manila Bay Integrated Flood Control, Coastal Defense and Expressway Project; Harbour Center Reclamation Project; Horizon Manila Reclamation Project; Pasay City Reclamation Project; Las Piñas-Parañaque Coastal Bay Reclamation Project; CRC and Bacoor City Reclamation Project; Bacoor City Reclamation Project; Navotas Coastal Bay Project; BRADI Reclamation Project; PRA BASECO Reclamation Project; City of Pearl Reclamation Project; Waterfront Manila Reclamation Project; Manila City Reclamation Project; Pasay City Reclamation Project at Parañaque City Reclamation Project.
Kitang-kita sa mapa na ibinigay sa amin ang dikit-dikit na reclamation projects sa Manila Bay na posibleng lumikha ng mga problema sa lagusan ng tubig-baha na nanggagaling sa Maynila kapag malakas ang ulan.
Ayon kay Giovanni de Jesus ng Oceania, non-government organization na nagbabantay sa kalagayan ng karagatan, lingid sa kaalaman ng marami, buhay pa ang ecosystem ng Manila Bay. Marami pa umanong mahuhuling isda rito tulad ng bisugo, galunggong, pusit, alimasag at isang uri ng sardinas (sardinela pacifica) at marami pa rin umanong migranteng ibon (migratory birds) dito.
Isa pang seryosong banta ay ang pagtatayo ng airport sa Bulacan na mangangailangan ng panambak na katumbas ng pinagsama-samang Chocolate Hills sa Bohol. Ang mabigat na tanong, saan manggagaling ang lupang panambak para rito?
Mayroon bang sapat na pag-aaral at konsultasyong naganap hinggil sa 15 reclamation projects sa Manila Bay? Dumalo sa forum noong nakaraang Huwebes ang iba’t ibang grupo ng maralitang taga-lungsod na tatamaan ng mga reklamasyon. Ayon sa marami, hindi sapat ang mga naganap na konsultasyon sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan.
Perhuwisyo ba o benepisyo ang reklamasyon? Sana, magkaroon muna ng moratorium ang anumang proyektong reklamasyon dahil sa mga katanungan natin, tila lumalabas na perhuwisyo ito kaysa benepisyo.




Comments