Mga lokal na magsasaka, suportahan at ‘wag baratin!

Sa patuloy na pagsadsad ng presyo ng palay, patuloy na dumaraing ang mga magsasaka.
Anila, mas mahal pa ang presyo ng darak o pagkain ng baboy kaysa sa palay na ibinebenta nila.
Matatandaang, humiling ang mga magsasaka na itaas ang presyo ng palay dahil kung ngayon pa lang ay sumadsad na sa P7 kada kilo, maaari pa itong bumaba pagdating ng anihan.
Gayundin, kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng palay, posible umanong tumigil na lang ang mga magsasaka sa pagtatanim nito o ibenta na lang ang kanilang sinasakang lupa.
Kaugnay nito, pinakilos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa tamang halaga dahil sa epekto ng Rice Tariffication Law.
Kasunod ito ng pag-alma ng mga magsasaka na bumagsak na ang presyo ng palay sa P7 kada kilo kumpara sa P21 noong hindi pa ipinatutupad ang Rice Tariffication Law.
Ayon sa pangulo, hindi baleng malugi ang gobyerno basta siguraduhing matutulungan ang mga magsasaka.
Pero hirit nito sa mga magsasaka, siguraduhin lamang na magiging makatwiran ang presyo ng mga ibebenta nilang palay.
Tama lang na bilhin ng gobyerno ang mga palay na inani ng ating mga magsasaka, pero dapat nating siguraduhing win-win ang kalalabasan ng hakbang na ito.
Kumbaga, ibebenta ng magsasaka ang mga palay sa makatwirang halaga at ang perang kikitain nila ay dapat mapunta sa kanila at hindi sa bulsa ng mga buwaya!
Ang problema sa atin, kapag imported ang pagkain, bibili pa rin kahit mahal, pero kapag lokal, mura na nga, babaratin pa!
Mga kababayan, panahon na para bigyang-pansin at suportahan ang mga lokal na magsasaka.
At kahit mahirap ang buhay, hindi imposible na makatulong tayo sa mga mas nangangailangan tulad nila.
Ang pagbili sa makatwirang halaga ay napakalaking tulong para sa kanila kaya panawagan sa lahat, huwag magdalawang-isip na bumili sa mga local farmer at please lang, huwag mambarat!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments