Imbestigasyon kay sen. Bato sa senado, dadaanin lang sa iyak

PAIMBESTIGAHAN DIN KAYA NI PANELO KUNG PAANO NAKARATING SA BOARD OF PARDONS AND PAROLE ANG SULAT NIYA?—Paiimbestigahan daw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nagpapasok sa Malacañang sa misis at anak ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na convicted rapist at murderer nang wala siyang pahintulot kung saan tatlong beses pa raw siyang nabisita ng mga ito sa Palasyo.
Dahil d’yan, malamang paiimbestigahan din ni Panelo kung paano nakarating sa Board of Pardons and Parole ang sulat niya (referral letter) tungkol sa hirit ng pamilya ni Sanchez na palayain na ang ex-mayor sa Bilibid, boom!
◘◘◘
BAKA MAPAIYAK NA NAMAN SA SENADO SI SEN. “BATO” — Noong nakaraang press briefing sa Malacañang, ipinag-utos na imbestigahan din si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung sangkot din ito sa anomalya sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) at pagpapalaya sa mga convicted drug lords at iba pang kilabot na kriminal.
Naku, mababaw pa naman ang luha ni Sen. “Bato”, baka mapaiyak na naman siya sa Senado, he-he-he!
◘◘◘
NOON, SA BIR AT CUSTOMS LANG TALAMAK ANG KORUPSIYON, NGAYON, PATI SA BuCor NA RIN—Ibinulgar nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III na mula P50K hanggang P1.5 milyon umano ang bayaran sa GCTA ng mga presong nais makalaya.
Aba, noon, sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) lang talamak ang korupsiyon, pero ngayon, pati sa Bureau of Corrections (BuCor), nagkalat na rin ang mga “buwaya”, pwe!
◘◘◘
MGA VENDORS SA MAYNILA, MAGPA-”PASKONG TUYO”—Hindi raw papayagan ni Mayor Isko Moreno ang mga vendors na makapagtinda sa Divisoria, Recto at Juan Luna sa panahon ng kapaskuhan.
Kung ganu’n, magpa-”Paskong tuyo” pala ang mga vendors sa Maynila, hu-hu-hu!





Comments