Bacolod, kampeon sa chooks 3x3 magiting cup
- A. Servinio
- Sep 7, 2019
- 1 min read

MGA bagong pangalan ang umusbong sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng Chooks-To-Go Pilipinas 3X3 Magiting Cup handog ng Coca-Cola sa SM City Fairview noong Biyernes sa pagkampeon ng Fyr Fyter Bacolod kontra sa Mindoro Tamaraws 7A, 21-19.
Bumida sina Andrian Celada, Mark Yee, Louie Medalla at Mark dela Cruz sa buong araw upang makamit ang unang korona sa kanilang pagsali sa liga.
Nahirapan muna ang Bacolod bago iniligpit ang Tamaraws at kinailangan pa nila humabol hanggang tinabla ng dos ni Celada ang laro, 17-17. Sinundan ito ng saksak ni Yee at isa pang dos ni Celada bago pinasok ni Rodel Vaygan ang dos upang higpitin ang laban, 19-20, subalit tinapos ito agad ni Celada sa kanyang lay-up na may 1:55 nalalabi sa orasan at mauwi ang premyong P100,000 at inihaw na manok.
Patungo sa korona, kinailangan ng Bacolod na lampasan ang Zamboanga Valientes MLV sa quarterfinals, 21-18, at ang Phenom Basilan CTC Construction sa semifinals, 21-16. Sa elimination round noong umaga, winalis ng Bacolod ang HUP Vigan, 21-8, at Equalivet Pateros, 21-15.
Maghahanda na ang mga pambato ng Pilipinas 3X3 sa pinakaunang Chooks To Go FIBA 3X3 Manila Challenger ngayong Sabado sa SM City Fairview din. Gagawin ng Pasig Chooks, Balanga Chooks, Isabela City Chooks (Basilan), Narvacan at Zamboanga ang lahat ng kanilang makakaya upang makamit ang inaasam na karapatan na makalahok sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Jeddah, Saudi Arabia ngayong Oktubre.





Comments