Gilas vs. Tunisia sa classification round

SISIMULAN ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa classification round sa kanilang paghaharap kontra Tunisia ngayong gabi sa FIBA Basketball World Cup 2019 sa China. Dumating na sa Beijing ang koponan kahapon kung saan gaganapin ang classification round kung saan paglalabanan ang mga puwestong pang-17th hanggang 32nd. Makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Tunisia ng 8 p.m. Umaasa ang Gilas Pilipinas na maisasalba pa nila ang kanilang kampanya matapos ang 0-3 kartada sa Group D ng group stage.
Kagagaling lang sa 84-81 talo ang Gilas Pilipinas laban sa Angola sa overtime sa pagtatapos ng kampanya. “The first two games were lopsided, this one we had a chance to win,” saad ni Gilas coach Yeng Guiao.
Luhaan naman si Kiefer Ravena nang harapin ang mga reporter sa pagtatapos ng laro. “It’s an emotional game for each and everyone of us,” aniya. “Naipon na rin lang siguro yon. We’ve been under so much fire even before we left for here. Kahit ‘yung ibang mga tao hindi naniniwala na mananalo kami. Kaya rin naman kaya lang kami nalungkot kasi di namin napasaya ang mga kababayan namin, more than anything else, kami naglalaro para sa bayan,” ani Ravena sa isang panayam. Kahit pa hindi nakakakuha ang Gilas ng panalo ay may pag-asa pa ang koponan na makakuha ng puwesto sa 2020 Tokyo Olympics.
Ang pinakamagandang ranggo mula sa Asya ang makakapasok sa Olympics.
Sa ngayon ay nasa classification round ang lahat ng koponan mula sa Asia kabilang na ang host China, Korea, Iran, at Jordan. May puwesto na ang Japan sa World Cup bilang host.





Comments