Forest ranger ng DENR, kinatay ng illegal logger
- Jeff Tumbado
- Sep 6, 2019
- 1 min read

PINAGTATAGA hanggang sa masawi ang forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng umano’y illegal logger na hinuhuli ng una sa El Nido, Palawan, kamakalawa ng hapon.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital sanhi ng mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Bienvenido Severino Veguilla, 44.
Nasugatan naman ang suspek na si Fernan Flores matapos mabaril ng biktima sa kalagitnaan ng kanilang pambubuno.
Patuloy na nagpapagaling ang suspek sa Palawan Northern District Hospital sa Taytay na may tama ng bala ng baril sa kanyang braso.
Nakatakas naman ang kasamahan ni Flores na magkapatid na sina Cardo at Glen Fulgencio at tatlo pa nilang kasapi sa grupo.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na si Veguilla at lima pang DENR forest rangers ay nagpapatrulya sa lugar nang makatanggap umano sila ng tawag na may illegal logging activities sa bahagi ng Sitio Kinagawan, Bgy. Pasadena.
Agad nagtungo ang grupo ni Veguilla sa tinukoy na lugar kung saan nakita nila si Fulgencio at naaktuhan ang ginagawang pagputol sa ilang mga puno gamit ang chainsaw.
Mabilis na tumakas ang mga suspek nang maispatan ang papalapit na si Veguilla.
Pabalik na sana si Veguilla sa kanilang outpost bitbit ang nakumpiskang chainsaw nang bigla silang harangin ng mga suspek na may dalang itak at homemade shotgun at sila ay inatake.





Comments