Dragon boat, big winner sampal sa gilas!
- BULGAR

- Sep 6, 2019
- 2 min read

MISTULANG busabos. Halos magmalimos. Kumakalam ang sikmura. Ngunit, para sa atletang Pinoy na pinagkaitan ng tulong, suporta at pagkalinga, ang lumaban para sa Inang Bayan ay sapat nang dahilan upang magpatuloy sa kanilang misyon – magwagi at mag-uwi ng karangalan para sa sambayanan. Sampal iyan sa Gilas Pilipinas na lahat ng pinakamalalaking suportang pinansiyal ay nasa kanila na pero walang naipanalong ni isang laro sa FIBA World Cup sa China.
Nakalulungkot isipin ang naging karanasan ng atletang Pinoy mula sa Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa kanilang pagsabak sa 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championship kamakailan sa Pattaya, Thailand.
Subalit, sa kabila nang kakulangang pinansiyal, nagawang magwagi ng PDBF squad ng 4 na ginto, 2 silver at 4 na bronze sa pinakamalaking Dragon Boat competition sa mundo na pinangangasiwaan ng International Dragon Boat Federation. “Pagdating pa lang namin problema na. Hindi kami pinayagan ng organizers na ma-test yung venue kasi hindi pa namin nababayaran ng buo ang US$11,000 participation/sanctioned fee. So, lahat ng atleta namin pati na rin ‘yung mga kaanak namin tinawagan na overseas para makapagdala ng pera sa amin. Luckily, in just five hours nakakolekta kamI ng almost P300,000 thousands na ipinambayad namin,” pahayag ni PDBF secretary-general Atty. Jaypee Villanueva, sa pagbisita kahapon sa 38th ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
“Ang problema, dahil naubos ‘yung mga pocket money namin, wala nang pambili ng dinner ‘yung delegasyon. Yung breakfast ok lang dahil sinuportahan kami ng Filipino community doon na nag-sponsored, kaya lang sa dinner wala na kaya nagtiis lahat na maghati-hati sa naibaong mga de lata,” aniya.
Iginiit ni coach Sohud Saraman Hakim na hindi ito naging sagabal, bagkus nakadagdag motibasyon sa atleta para magpursige sa laban na nagresulta ng tagumpay sa Para-Dragon event na 200m PD-1 Open small boat, 200m PD-2 Open small boat, 500m PD-1 Open small boat at 500m PD-2 Open small boat. “Yan ang ipinagkaiba ng atletang Pinoy. Kaya nating magtiis para sa karangalan,” pahayag ni Hakim. Nag-ambag ng dalawang silver ang regular athletes sa 200m Senior A Open (small boats) at 200m Senior A Mixed divisions. Nakadale ng bronze medal sa 500m Senior Mixed, 2,000m Senior A Mixed, 2,000m , Senior A Open at 500m Senior A Open (small boats) sa torneo na nilahukan ng mahigit 100 koponan mula sa 30 bansa.
Kami ay naging biktima ng pulitika, ngunit sa pagbabago ng liderato sa Philippine Olympic Committee (POC) sa pamumuno ni Rep. Bambol Tolentino ay umaasang mapakikinggan ang aming hinaing,” aniya. “For clarification, iba po ang International Federation ng Canoe-Kayak at Dragon Boat. May sarili pong IF ang Dragon Boat kung kaya’t hindi makatwiran na alisin kami at isama sa grupo ng canoe-kayak,” ayon kay Villanueva. Mula sa natanggap ng pledge sa PAGCOR, Maynilad at iba pang pribadong sektor, iginiit ni Factolarin na maibabalik ang mga inabono ng mga atleta, gayundin ang gastusin sa biyahe na nagmula sa utang. (MC)





Comments