O, momshie, oks na oks kay bagets! Mga batang may alagang aso o pusa, mas madaling natututong magbas
- Jersy Sanchez
- Sep 5, 2019
- 2 min read

HINDI madaling magtiwala kapag anak ang pinag-uusapan, ‘yung tipong dapat natikman, nasubukan o may ideya muna tayo sa isang bagay bago natin ito ibigay sa kanila tulad ng pagbibigay ng ‘pet’ o alagang hayop.
Marahil, karamihan sa atin, iniisip na delikado ito dahil baka makalmot o makagat sila nito, pero alam n’yo bang marami itong magandang epekto?
Narito ang ilan sa mga benepisyong nakukuha ni bagets sa pagkakaroon pet:
1. NAGIGING RESPONSABLE. Kapag binigyan natin ng pet ang ating mga anak, ito na rin ang pagkakataon kung saan kailangan nila itong pakainin, alagaan at mahalain. Natural na nagkakaroon sila ng ‘sense of responsibility’ dahil hindi nila puwedeng pabayaan ang mga ito.
2. NAPA-PRACTICE ANG NON-VERBAL COMMUNICATION SKILLS. Ang mga hayop ay mayroong ibang paraan ng komunikasyon, hindi nila kailangang magsabi na mahal nila tayo dahil sa kanilang paglalambing ay mararamdaman na natin ito.
Ayon sa research ng Kansas State University, ang mga preschooler na mayroong aso at pusa ay mas magiliw sa pag-aaral kaysa sa ibang bata na wala nito. Madali nilang nakukuha ang mensahe ng kanilang guro kahit hindi pa sila lubusang nakapagsasalita o nakaiintindi sa mga bagay-bagay.
3. NABABAWASAN ANG KANILANG LUNGKOT. Para sa mga working parent, oks kung bibigyan ninyo ng pet ang inyong anak para maiwasan ang kanilang pagiging malungkutin o ‘yung pakiramdam na mag-isa dahil mayroon siyang “kaibigan” na makakasama at makalalaro.
4. NASASANAY SILANG MAGBASA. Karamihan sa mga bata, gustung-gusto na binabasahan ng libro o kuwento ang kanilang mga alagang hayop. May iba na ‘yung pet nila ang nagsisilbing “estudyante” tapos sila naman ang guro at dahil dito, madaling napa-practice ng bata ang kanyang reading skills.
5. NABABAWASAN ANG HOMEWORK ANXIETY. Ang pagpe-pet o paghawak sa alagang hayop ay nakabababa ng presyon ng dugo, kaya kapag gumagawa sila ng homework, magandang ideya kung itatabi sa kanila ang kanilang pet nang sa gayun ay madali silang kumalma at hindi gaanong ma-pressure sa kanilang pinag-aaralan.
Sa totoo lang, karamihan sa atin na lumaking mayroon nito, hindi sila itinuturing na “alagang hayop” kundi parte na sila mismo ng pamilya. ‘Yung tipong mas komportable at totoo ‘yung saya kapag sila ang kasama mo kaysa sa mga tao, mismo.
‘Yun lang!





Comments