Motor, huli sa aktong ‘kinakatay’ | sk kagawad at estudyante, timbog
- Maeng Santos
- Sep 5, 2019
- 1 min read

KALABOSO ang 20-anyos na SK kagawad at kanyang kasama matapos maaktuhang kinakatay ang isa umanong nakaw na motorsiklo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Jerwin Ocampo, SK Kagawad ng Bgy. 7, at Joemel Marin, 20, estudyante, ng Bgy. 10.
Sa nakarating na report kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, bandang alas-11:00 ng gabi noong Lunes, ipinarada ni Jason Denz Asistio, 27, corporate secretary, ang kanyang Yamaha Mio motorcycle (6221QX) sa harap ng kanilang bahay sa 9th Ave., Bgy. 59.
Alas-4:00 ng Martes ng madaling-araw, gagamitin ni Asistio ang kanyang motorsiklo para bumili ng pandesal ay nagulat ito dahil wala na ang motor na naging dahilan upang i-report sa PCP-2 at sa Anti-Carnapping Unit.
Alas-5:20 ng hapon, nakatanggap ng tip ang mga pulis mula sa kanilang impormante hinggil sa isang motorsiklo na tumutugma sa paglalarawan ng nawawalang motorsiklo na kinakatay ng dalawang lalaki sa Velasco St., Bgy. 7.
Pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar sa pangunguna ni P/Capt. Jonathan Olveña na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.





Comments