top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kinapos ang gilas sa angola, sayang!

  • Alvin Olivar
  • Sep 5, 2019
  • 2 min read

UMABOT pa ang Gi­las Pilipinas sa overtime pero natalo kontra Angola, 84-81, kahapon sa pagtata­pos ng group stage ng FIBA Basketball World Cup 2019 sa Foshan International Sports and Cultural Arena.

Isang masakit na pagka­talo ang nalasap ng Gilas Pilipinas upang malaglag sa 0-4 sa pagtatapos ng Group D ng Torneo. Sa huling possession ng laro ay nagmintis si Kiefer Ravena sa kanyang tres bago tumunog ang buz­zer ng laro.

Natalo ang Gilas kahit lamang ang koponan sa huling saglit ng fourth quarter. Abanse ang Gilas Pilipinas, 69-65, pagkaraan ng isang follow-up dunk ni Japeth Aguilar. Humabol ang Angola at nakuha ang 73-70 na abanse ngunit nadala ni CJ Perez ang laro sa overtime matapos bumuslo ng tres may 33.1 seconds ang natitira sa fourth quarter, 73-73.

May pag-asa na sanang makuha ng Gilas Pilipinas ang panalo sa huling possession ng fourth ngunit hindi nakabuslo si Perez ng isang malayong tres upang magpu­wersa ng overtime. Sa overtime ay doon na nanaig ang Angola. Nakuha nang Angola ang 83-78 na abanse at doon na nakuha ng koponan ang kontrol ng laro.

Nanguna si Andray Blatche sa koponan ng Gilas pagkaraang umiskor ng 23 points, habang gumawa ng 17 points si Perez para sa koponan. Dikit ang naging laban sa first quarter ng laro. Isang jumper ni Blatche ang nagbi­gay kalamangan sa Gilas Pilipinas, 11-8, ngunit ito ay sinagot ng walong su­nod na puntos mula ng Ango­la upang masungkit ang aban­se, 16-11. Matapos maging maalat sa tres ang Gilas ay nakabuslo si Paul Lee ngunit lamang pa rin ang Angola, 21-20, sa pagtatapos ng first quarter.

Umabot sa siyam ang abanse ng Angola sa pama­magitan ng isang jumper ni Yanick Moreira, 35-26, pero dalawang sunod na tira ang nabuslo ni CJ Perez at Ro­bert Bolick para dumikit ang laro. Nagtapos ang second quarter sa pagbuslo ni Perez para mababa sa apat ang abanse ng Angola, 38-34.

Samantala, nakalusot ang United States sa Turkey, 93-92, sa overtime upang makuha ang pangalawang panalo sa Group E ng torneo sa Shanghai.

Umabanse na ang USA sa second round matapos mapanatili ang malinis na kartada sa kompetisyon. Ngunit hindi naging madali ang panalo ng USA at kinai­langan pa ni Khris Mid­dleton na mabuslo ang dala­wang free throws, 2.1 se­gundo ang natitira sa laro para makuha ang abante. Namintis ni Ersan Ilyasova ang tres sa pagtatapos ng laro.

Isang masakit na talo ang nalasap ng Turkey na lamang pa, 92-91, sa laro. Ngunit nagmintis ng tig-dalawang free throws si Dogus Balbay at Cedi Osman na nag-selyo sana sa laro para sa Turkey.

Matapos ang mintis ni Osman ay tumakbo patungo sa kanilang court si Jayson Tatum na nahanap si Mid­dleton na umatake sa basket. Nakasungkit ng foul si Middleton at nakabuslo ng dalawang free throws para makuha ang kalama­ngan.

Sa laro ding iyon ay naging referee ang Pinoy na si Ferdinand ‘Bong’ Pascual na isang FIBA referee ng 17 na taon. Sa kasalukuyan ay supervisor ng mga referee si Pascual sa PBA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page