Curfew sa kabataan, sariling pamilya rin ang makikinabang
- Ryan B. Sison
- Sep 5, 2019
- 2 min read

Mula nang ipatupad sa Lungsod ng Maynila ang ordinansa sa curfew, halos 500 kabataan na agad ang nasampolan.
Batay sa Ordinance No. 8547, ipinagbabawal ang paggala ng mga menor-de-edad sa siyudad mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Ito ay kasunod sa pagkakasagip sa 20 menor-de-edad sa surprise inspection at pagkakatanggap ng ulat mula sa concerned citizen hinggil sa mga nagra-riot na kabataan sa lungsod.
Kung sa ibang lugar, community service kapag nahuli at mismong bata ang maparurusahan, sa Maynila, ang magulang ng lumabag ang mananagot sa kaukulang multa at kulong, depende sa edad ng kanilang anak.
Sa ilalim ng ordinansa, kung ang edad ay 12 pababa ang lumabag, may penalty na P5, 000 o pagkakakulong nang anim na buwan. P3,000 at tatlong buwang pagkakakulong naman kung 13 hanggang 14-anyos at kung edad 15 hanggang 17, P2,000 multa at kulong nang isang buwan ang kakaharapin ng mga magulang.
Samantala, hirit ng ilang grupo, nilalabag ng ordinansa ang kalayaan ng kabataan na gumalaw nang malaya.
Pero, paliwanag ng awtoridad, parte ito ng pagpapanatili ng peace and order sa kanilang nasasakupan.
Gayundin, maituturing na makatuwiran ang pagpapatupad ng ordinansa dahil buhay ng kabataan ang nakataya rito.
Sa totoo lang, magandang hakbang ito para hindi na madagdagan ang mga krimen na kinasasangkutan ng kabataan na karaniwang nangyayari sa dis-oras ng gabi.
Bukod pa rito, hindi tayo magkakaroon ng ligtas at maayos na lugar kung gobyerno lamang ang kikilos dahil bilang residente at mga magulang, dapat natin itong simulan sa ating pamilya sa pamamagitan ng pagiging responsable at mabuting ehemplo.
Ang ordinansang ito ay magsisilbing paalala sa atin na mabuti man o hindi ang gagawin ng ating mga anak, hindi lamang sila ang dapat managot dahil tayong mga magulang ang dapat magturo ng tama at mali.
Kaligtasan at buhay ang iniingatan natin kaya panawagan sa mga magulang at kabataan, huwag maging pasaway at sumunod sa mga ordinansa.
At para sa mga awtoridad, mga batas para sa kaligtasan, paigtingin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.
Comentarios