Curfew sa kabataan, halos 500 agad ang nasampolan
- BULGAR

- Sep 4, 2019
- 1 min read

HALOS 500 menor-de-edad ang nasampolan sa mas pinaigting na pagpapatupad ng curfew, partikular sa Maynila. Sa ilalim ng Ordinance No. 8547, ipinagbabawal ang paggala ng mga may edad 17 pababa sa mga pampublikong lugar mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling-araw.
Matapos pagdadamputin ang mga nasabing kabataan, dumagsa naman sa istasyon ng pulisya ang kanilang mga magulang. May ilang magulang na nangatwirang inutusan lang nila ang mga anak na bumili ng gamot o pagkain. Ilan naman sa mga kabataan ay nahuli sa mga computer shop at tambayan.
Samantala, may iba na aminadong hindi agad nalaman ang kautusan bagama’t, isang taon nang inilabas ang ordinansa tungkol sa curfew. Kaugnay ng batas laban sa paggala ng mga menor-de-edad sa dis-oras ng gabi, ang mga magulang ang mananagot. May kaukulang multa at kulong depende sa edad ng anak.
Kapag 12-anyos pababa, may penalty na P5,000 o pagkakakulong nang may anim na buwan. Habang ang 13 hanggang 14-anyos ay may multa na P3,000 o tatlong buwang kulong, samantalang, ang 15 hanggang 17 na edad ay may P2,000 na multa o hanggang isang buwan na pagkakakulong.
Pero, para sa mga nahuli sa una o pangalawang pagkakataon, paalala o warning na muna ang ibibigay sa mga magulang. ‘Ika nga, sa pamilya nagsisimula ang kaligtasan ng bawat isa. Bilang mga magulang, responsibilidad nating alagaan at tiyaking ligtas ang ating mga anak.
Katuwang ang gobyerno, alalayan natin ang kabataan tungo sa maayos na kinabukasan. Walang ibang gagabay sa kanila kundi tayo. Kung maging mabuti o masama man silang mamamayan, may bahagi ru’n na dahil sa ating suporta o pagkukulang.
Higit sa lahat, dapat tayong maging mabuting huwaran.





Comments