Tax amnesty program sa Maynila, aprub!

SIMULA kahapon, ika-2 ng Setyembre, maaari nang mapakinabangan ang Tax Amnesty Program na ipinasa ng konseho ng Maynila. Ibig sabihin, puwede nang bayaran nang walang kaukulang interest ang lahat ng naging delingkuwente sa amilyar, negosyo at iba pang uri ng buwis.
Ito ay napapaloob sa Ordinansa 8566 na ipinanukala ni Konsehal Joel Chua at iba pa nating mga masisipag na miyembro ng konseho sa pamumuno ni Vice-Mayor Honey Lacuna.
“Isa sa mga inirereklamo ng mga taga-Lungsod ng Maynila ay ang mataas na bayad sa amilyar. At dahil doon ay nagkaroon, ayon sa ating data, maraming kababayan natin ang hindi nakababayad ng amilyar.”
Sa pamamagitan ng ordinansang ito, tayo ay umaasang makatutulong ito na makadagdag- pondo ng siyudad at mapagagaang pa ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Marami pang suliranin ang hinaharap ng ating lungsod at tulad ng paulit-ulit nating sinasabi, hindi magiging madali ang kalbaryong ito kaya kailangan natin ang pagdarasal, tiwala at suporta ng bawat isa.
Sana ay patuloy tayong gabayan ng Panginoon at alam nating kapag kayo ay nasa likod ko, hindi tayo papayag na hindi magtagumpay sa kalbaryong ito.





Comments