Mama’s boy na BF, oks lang pagtiisan dahil swak at magkakatuluyan pa rin

Dear Maestro,
May boyfriend ako, siya ang first boyfriend ko. Wala pa kaming one year, pero marami na akong problema at sakripisyong tiniis sa kanya. May pagka-mama’s boy kasi siya, pero mabait naman. Ang kaso, halos lahat ng sinasabi ng mama niya ay sinusunod niya kahit apektado na ang aming relasyon.
Pinagbabawalan kasi siyang mag-girlfriend hangga’t hindi raw siya nagkakaroon ng trabaho kaya lihim lang ang relasyon namin. Madalas ding ako ang nag-a-adjust sa mga personal na problema namin dahil sa family niya. Kaya ngayon, iniisip ko rin kung magtatagal ba ang aming relasyon na magulo at kumplikado talaga.
Sana, mapayuhan ninyo ako kasi mahal na mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin kaya lang nahihirapan na talaga ako sa sitwasyon namin ngayon. May pag-asa kaya na kami ang magkatuluyan at kapag nagkatuluyan kami, hindi kaya magulo rin tulad ng family nila ang itatayo naming pamilya?
March 8, 1994 ang birthday ko at July 16, 1995 naman ang boyfriend ko. Compatible ba at kami na kaya ang magkakatuluyan?
Umaasa,
Jherra ng San Roque, Burgos, Isabela
Dear Jherra,
Ganyan talaga ang buhay, kapag nagmamahal, kailangang mag-sacrifice alang-alang sa iyong minamahal. Ang totoo, walang kuwenta ang pag-ibig kung walang mga sakripisyo na ginagawa ang bawat isa dahil ang mga pagtitiis at sakripisyong ito ang tunay na nagpapalalim sa inyong ugnayan at pag-iibigan.
‘Ika nga ni Mother Teresa, “I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love.” Ibig sabihin, ang tunay na esensiya ng pag-ibig ay ang masaktan at sa sandaling puro sakit na lang, lulutang ang tunay na diwa ng pagmamahal.
Ang problema lang sa sitwasyon mo, Jherra, ay ‘yung ikaw na lang palagi ang nagtitiis at nagbibigay sa boyfriend mong mama’s boy, pero alam mo, okay lang ‘yan dahil sabi mo nga, mahal na mahal mo naman siya.
Hangga’t kaya mong magtiis at mag-sacrifice dahil sa pag-ibig na iniuukol mo sa kanya, go lang nang go dahil sa bandang huli, kapag nag-mature na ang personality ng boyfriend mo, sa panahong ‘yun, kusa nang magiging maligaya ang inyong relasyon.
Hindi ka rin dapat mag-alala dahil sadya ngang magiging maligaya ang inyong relasyon dahil ang zodiac sign mong Pisces na may elementong water o tubig ay tulad din ng zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo na nagtataglay din ng elementong tubig o water. Ibig sabihin, ayon sa Western Astrology, sadyang tugma talaga kayong dalawa.
Habang sa Numerology ay ganundin, ang strong number mong 8 ay saktong tugma sa weak number niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) kung saan ang pagsasama ng weak at strong number or weak at strong personality ay sadyang balanse sa isa’t isa. Dahil dito, darating ang panahong may pangako ng wagas, masagana at maligayang relasyon habambuhay.
Sa madaling salita, kaunting tiis pa dahil umiibig ka at kaunting pasensiya pa dahil nagmamahal ka.
Ayon sa iyong Love Calendar, ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2021, sa edad mong 27 pataas at 26 naman ang boyfriend mo.




Comments