Tatay, 2 anak tiklo sa P3.7 milyong shabu
- Janice Baricuatro
- Sep 2, 2019
- 1 min read

APAT katao kabilang ang mag-aama ang naaresto at nakuhanan ng mahigit P3.7 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Bacoor City kamakalawa.
Kinilala ang mga naaresto na si Mastura Salik, 29, mga anak nitong sina Warenk, 18, at Saima, 20, at isa pang kasama na si Joplex Roice Lim, 22, pawang mga nasa drug watchlist.
Sa isinumiteng ulat ng Bacoor Police kay Cavite Police Provincial Director Sr. Supt. William Segun, isang malakihang drug-bust ang kanilang inilatag laban sa target na si Mastura.
Isang team na binubuo nina PCpl. John Ranen Trinidad, PCpl. Wilver Pascual, PCpl. Emidio Carag, PSSg. Dave Gregor Bautista, PCpl. Yonard Moran, PCpl. Christian Laureta Pat. Ricky Bautista at PCMS Emerson Balancin, pawang ng City Drug Enforcement Team/Intel operatives ng lunsod at kasama ang ilang miyembro ng PDEA, alas-11:30 ng umaga ikinasa ang buy-bust sa loob ng Strike Ville 4, Bgy. Mambog 2 kung saan isang pulis ang umaktong scorer.
Nagpositibo ang transaksiyon at nakuha sa mga ito ang may 12 sachets ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 550 grams na aabot sa halagang P3,740,000.
Narekober din ang mga marked money na ginamit sa drug deal.





Comments