Akyat-bahay utas sa parak

PATAY ang hinihinalang kawatan matapos makipagbarilan sa mga pulis matapos silang maaktuhan na nagtatangkang pumasok sa isang bahay sa Marikina City, kahapon ng madaling- araw.
Hindi pa tukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek at ang nakatakas nitong kasamahan.
Sa ulat ng Marikina City Police, alas-2:15 ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro sa Falcon St., Bgy. San Roque.
Batay sa imbestigasyon, kasalukuyan umanong nagsasagawa ng surveillance operation sa lugar ang mga pulis sa pamumuno ni P/Capt. Jervies Soriano, nang maispatan ang dalawang suspek na nagtatangkang pumasok sa isang bahay.
Agad na nilapitan at sinita ng mga pulis ang mga suspek.
Gayunman, sa halip na sumuko ay agad bumunot ng baril ang mga suspek at nagpaputok sa direksiyon ng mga awtoridad.
Napilitang gumanti ng mga pulis at napuruhan ang isa sa mga suspek habang nakatakas ang isa pa.
Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang kalibre .38 revolver na may apat na bala, isang itim na sling bag na may folding knife at cellphone.





Comments