2 karnaper todas sa pulis

DALAWANG hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo na sangkot umano sa iligal na droga ang namatay matapos makipagbarilan sa tumutugis na mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-3:15 ng madaling-araw nang makatanggap sila ng reklamo mula kina Ma. Luisa Maristela, 24, cashier, at May Cesar, 21, kapwa ng Malabon City, na sapilitang kinuha ng dalawang armadong lalaki ang kanilang minamanehong motorsiklo
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng SIB at SIU sa pangunguna ni P/Maj. Raymond Nicolas hanggang sa maispatan ang mga suspek sa kahabaan ng Torres Bugallion St., Bgy. 13 sakay sa motorsiklong tugma sa inilarawan ng mga biktima.
Tinangkang pigilan ng mga pulis ang mga suspek subalit, sa halip na huminto ay pinaputukan umano ng mga kawatan ang mga parak na gumanti naman na nagresulta sa kamatayan ng mga ito.
Narekober ng pulisya sa mga nasawing suspek ang dalawang cal. .38 revolver, sachet ng shabu, pinatuyong dahon ng marijuana, dalawang cellphones at ang tinangay na motorsiklo.
Positibo ring kinilala ng mga biktima ang mga nasawing suspek na umagaw ng kanilang motorsiklo.





Comments