top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagbangga ng barko ng China sa bangka ng 'pinas, sori lang, kalimutan na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 31, 2019
  • 2 min read

TINANGGAP na raw ng Palasyo ang paghingi ng tawad ng umano’y may-ari ng barko na bumangga sa bangkang-pangisda ng mga kababayan natin sa Recto Bank dalawang buwan na ang nakalilipas.

Ang Guangdong Fishery Mutual Insurance Association ang nagpaabot ng paumanhin sa Department of Foreign Affairs (DFA), sila ang kumatawan para kay Mr. Chen Shiqin. Nagbigay din sila ng halaga na kailangan nilang bayaran batay sa aktuwal na danyos na naganap dahil sa aksidente. Tila sinasabing ang nasirang bangka lang ang babayaran, hindi ang kawalan ng hanapbuhay ng mga naagrabiyado nilang mangingisda at iba pang danyos dahil sa insidente.

Lumalabas na kalimutan na lang ang pag-iwan sa mga kababayan natin sa gitna ng karagatan matapos nilang i-hit-and-run. Kalimutan na lang ang unang pahayag ng China kung saan pinalalabas na kasalanan ng ating mga kababayan ang naturang insidente. Ganu’n lang ba talaga kadaling tanggapin ng Palasyo ang lahat dahil lang sa simpleng “paghingi ng tawad”?

◘◘◘

Sino ang nagsasabi ng totoo?

Ayon sa pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, may nagsabi sa kanila na may utos daw na palayain na ang dating alkalde noong Aug. 20.

Susunduin na raw sana ang nakulong na rapist-murderer nang biglang inihinto ang kanyang paglaya. Sinisisi ng kanyang pamilya ang matinding reaksiyon at batikos na inabot ng gobyerno sa balitang ‘pagpapalaya’.

Wala raw pinirmahang utos si BuCor Chief Nicanor Faeldon para palayain si Sanchez kahit mayroon silang pahayag na posible itong makasama sa libu-libong bilanggo na mapapalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Buhul-buhol na naman ang mga pahayag ni Faeldon. Nabalot na naman ng kontrobersiya ang ahensiyang pinamumunuan niya.

Sa simula pa lang, hindi na karapat-dapat makinabang si Sanchez sa ilalim ng GCTA kaya bakit nakasama ang kanyang pangalan at may utos pang palayain siya? Dapat talaga tong malinawan at maimbestigahan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page