Racasa, sumampa sa 5th place, may tsansa sa fide world

Photo : Antonella Berthe Murillo Racasa
MULING umiskor ng panalo ang musmos na pambato ng Pilipinas at 45th seed na si Antonella Berthe Racasa para makasampa sa pang-5 puwesto at lalong lumakas ang tsansa para sa isang podium finish sa malupit na 2019 FIDE World Cadet Chess Championship sa Shandong Province sa China.
Hiniya ni Racasa si Russian pride at 9th ranked Olga Karmanova sa round 7 upang iangat ang produksyon sa kabuuang 5 puntos. Ito na ang pangalawa sa sampung pre-tournament favorites na nabiktima ng batang Pinay sa torneong nilalahukan ng 90 disipulo ng standard chess mula sa 55 mga bansa. Noong round 5, tumiklop din si 10th seed Katerina Braeutigam ng Germany kay Racasa. Ang batang Pinay ay may rating lang na 1380 samantalang sina Karmanova at Braeutigam ay may rating na 1838 at 1808 ayon sa pagkakasunod-sunod.
Bukod sa dalawang biktima sa paligsahang isinasaayos ng Chinese Chess Association, nakakuha ng panalo si Racasa, premyadong mag-aaral ng Homeschool Global laban kina Sophia Zhao (USA, round 1) at Meiru Duan (China, round 4) at mga draws sa harap nina Yuhua Kate Jiang (Canada, round 6) at Canadian gem Ruoxan Rachel Chen (round 3).
Isang puntos lang ang hahabulin ni Racasa para makapasok sa top 3 at makaagapay ang mga sumesegunda at terserang pambato ng USA (Ruiyang Yan) at Russia (WCM Galeena Mikhheva) habang kalahating puntos ang agwat sa kanya ng 4th na kalahok ng Vietnam.





Comments