top of page

Mga sintomas ng prostate enlargement

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Aug 30, 2019
  • 2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Ako ay 59 yrs. old at nalaman ko sa kum­pare ko na prob­lema ng mga mata­tandang lalaki ang prostate enlargement. Nasabi rin niya na isa raw sa mga sintomas nito ang hirap sa pag-ihi na siya ring problema ko. Ano ang prostate enlargement at ano ang mga sintomas nito? — Geraldo

Sagot

Ang prostate enlargement o benign prostatic hyperplasia (BPH) ay ang paglaki ng prostate gland sa kala­lakihan. Ang prostate gland ay parte ng reproductive system ng mga lalaki na matatagpuan sa bandang ilalim ng pantog.

Ito ay gumagawa ng prostatic fluid na suma­sama sa semilya o sperm cells tuwing nilalabasan. Mahalaga ito dahil kailangan ng sperm cells ng protek­siyon mula sa acidity ng vagina.

Ang prostate enlargement ay karani­wang nangyayari kapag nagkakaedad ang lalaki. Natatamaan nito ang urethra (daluyan ng ihi palabas ng ari) kaya nararanasan ang masakit at mahirap na pag-ihi.

Bukod sa pagtanda, hindi pa natutukoy ang mismong sanhi ng BPH. Mayroong mga pagsusuri na ito ay mayroong kinalaman sa hormones. Mayroon ding mga pag-aaral kung saan mas malaki ang chance na magka-BPH ang lalaking mayroong diabetes at hypertension.

Narito ang ilan sa mga sintomas ng prostate enlargement:

  • Masakit na pag-ihi

  • Madalas na pag-ihi

  • Hirap magpigil ng ihi

  • Hindi makaihi

  • Pagkakaroon ng dugo sa ihi

  • Paggising sa gabi para umihi

  • Mahinang pag-agos ng ihi

Maaaring magdulot ng ibang kumplikasyon ang BPH tulad ng urinary tract infection (UTI) at mga sakit sa bato at pantog.

Kung ang mga sin­tomas ay hindi gaanong nakasasagabal, maaaring ipagpaliban ang pagpapagamot o operasyon, ngunit, mahalaga ang regular na check-up upang ma­subaybayan ang paglaki ng prostate gland.

Mga gamot na maaaring makabawas sa mga sintomas ng BPH:

  • Alpha blockers tulad ng terazosin, doxazosin at tamsu­losin — Nakatutulong itong pampa-relax sa pantog at prostate upang bumuti ang paglabas ng ihi.

  • 5-alpha reductase inhibitors tulad ng finasteride at dutas­teride — Pi­nipigil nito ang pagdami ng DHT na puwedeng maipon sa prostate at ikalaki nito.

Sa ibang kaso, ma­aaring pagsamahin ang pag-inom sa mga gamot na nabanggit ngunit, kumonsulta muna sa doktor.

Magpatingin sa doktor kung kayo ay may mga sintomas ng prostate enlargement upang mabig­yan ng tamang lunas ang inyong karamda­man.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page