top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Mga babae, mas prone sa osteoporosis kaysa sa mga lalaki

Dr. Shane Ludovice, M.D.
Aug 29, 2019
2 min read

Dr. Shane M. Ludovice Sabi ni Doc

Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa osteoporosis? Madalas ba na sa matanda o nagkakaedad lang ito lumalabas at ano ang sanhi nito? — Lilibeth

Sagot

Ang osteoporosis ay karaniwang kondisyon kung saan numinipis at rumurupok ang buto na maaaring maging sanhi ng hindi inaasahang fracture o pagkabali ng buto. Ang sakit na ito ay itinuturing na traydor sapagkat hindi ito madaling makitaan ng senyales. Ang pagnipis at pagrupok ng buto na may kaakibat na pananakit at posibilidad ng pagkapilay ay progresibo na nangyayari sa loob ng maraming taon.

Ano ang sanhi ng osteoporosis?

Osteoporosis mas prone sa mga babae - Sabi ni Doc

Walang nakatitiyak kung ano ang tunay na sanhi ng pagrupok ng buto. Ang tanging alam lamang ng mga eksperto ay kung ano ang proseso sa likod ng osteoporosis. Sa buong buhay ng tao, mayroong prosesong tinatawag na “remodeling” o regular na pagpapalit ng mga bone tissue. Ang pagpapalit na ito ay pinakaaktibo sa kabataan at nagsisimulang bumagal pagsapit sa edad 40. Ang mabagal na pagpapalit sa mga lumang bone tissue ang nakapagdudulot ng pagkasira ng ilang buto na kapag lumala ay nagreresulta sa pagkakaroon ng osteoporosis.

Mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng osteoporosis dahil sa mga sumusunod:

  • Namamana. Ang pagrupok ng buto ay maaaring mamana. Kung may kasaysayan ng malalang kaso ng osteoporosis sa pamilya, hindi malayong taglayin din ito ng mga anak.

  • Kasarian. Mas mataas ng apat na beses ang pagkakaroon ng osteoporosis sa kababaihan kaysa sa kalalakihan. Ngunit, hindi ibig sabihin nito, hindi na dinarapuan ng osteoporosis ang mga lalaki.

  • Edad. Ang panganib sa pagkakaroon ng osteoporosis ay tumataas kasabay ng pagtanda. Malaki ang posibilidad na magka-osteoporosis ang mga nasa edad 50 pataas.

  • Timbang at istruktura ng buto. Ang mga taong magagaan ang may mas malaking posibilidad sa pagkakaroon ng osteoporosis, gayundin ang mga taong may maliit na istruktura ng buto.

  • Kasaysayan ng fracture. Ang taong nakaranas ng fracture o pagkabali ng buto ay may mas mataas na tsansa na magkaoon ng osteoporosis.

  • Paninigarilyo. May ilang pag-aaral ang nagsasabing mas marupok ang buto ng mga taong naninigarilyo.

  • Gamot. Ang pangmatagalang pag-inom ng gamot tulad ng antacids, steroids, anticonvulsants at thyroid drugs ay maaaring makapagparupok ng buto.

Paano nakaaapekto sa pagkakaroon ng osteoporosis ang nakararanas ng menopause sa kababaihan?

Sa pagsapit ng menopause o pagtigil ng buwanang dalaw dahil sa katandaan, nagkakaroon ng malaking pagbaba sa lebel ng estrogen sa katawan ng babae. Ang pagbabagong ito ay nakaaapekto ng malaki sa buto sapagkat mahalaga ang estrogen sa proseso ng remodeling o ang pagpapalit ng bagong bone tissues. Dahil dito, mas napabibilis ang pagkakaroon ng osteoporosis. Ito ang dahilan kaya mas mataas ng apat na beses ang pagrupok ng mga buto sa kababaihan kaysa sa kalalakihan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page