Black mamba at italiano, pakay ang playoffs berth


TATANGKAING makadikit sa pumapangalawang Technological Institute of the Philippines sa Group B standings gayundin sa target na playoffs berth ng mga baguhang koponang Black Mamba at Italiano’s Homme sa pagsalang mamayang hapon sa 2019 PBA D League Foundation Cup.
Kapwa rin nila mga bagitong koponan ang kanilang makasasagupa ngayong hapon, ang Energy Drink kontra Hyperwash ng 2 p.m. at ang Italiano’s Homme kontra Alberei ng 4 p.m.
Kasalukuyang magkatabla sa ikatlong posisyon sa Group B ang Energy Drink at Italiano’s Homme kasunod ng Engineers (4-1) taglay parehas ang patas na kartadang 1-1, panalo-talo. Pupuntiryahin ng Black Mamba ang unang back-to-back wins sa liga kasunod ng nakaraan nilang panalo kontra Alberei noong Agosto 5, 86-82 sa ikalawa nilang laro.
Magtatangkang bumawi ng Italiano’s mula sa nalasap 99-133 pagkatalo sa kamay ng TIP sa ikalawang laban noong Agosto 8. Kaparis ng katunggali nilang Energy Drink, target din ng Hyperwash Vipers na madugtungan ang unang panalo na natamo sa ikatlong laro kontra Alberei Kings noong Agosto 12 sa iskor na 93-62.
Samantala sa huling laban, magsisikap ang Kings na makaahon mula sa naunang tatlong dikit na kabiguan sa pagtutuos nila ng Italiano’s Homme. (VA)





Comments