1 taon pinag-aralan kontra trapik | EDSA, GAWING ONE WAY
- V. Reyes
- Aug 29, 2019
- 2 min read

ITINUTULAK ng grupo ng mga engineer na gawing one way ang daloy ng trapiko sa EDSA patungong southbound habang pa-northbound ang C-5 lane.
Batay umano sa higit isang taong pag-aaral, magiging 40 kilometro kada oras ang average na biyahe sa EDSA mula sa kasalukuyang 19 kilometro kada oras kung ipatutupad ang nasabing traffic scheme.
Sasabayan umano ito ng ipatutupad ding bus system na layong mabawasan ang bigat ng trapiko sa EDSA.
Ayon kay Engr. Fernando Guevara, presidente ng GPI Engineers, Inc., makabubuting madagdagan din ang mga bus stop, 96 sa kahabaan ng EDSA at 96 din sa C-5.
Upang maipatupad ang bus system, kakailanganin ang 24,000 bus na bibiyahe. Nabatid sa MMDA na sa ngayon ay mayroon lamang 30 bus stop sa EDSA.
Ani Guevara, dapat ding taasan ang singilin sa paggamit ng kalsada upang mahikayat ang mga motorista na sumakay na lang ng bus at hindi na dalhin ang kani-kanilang sasakyan tulad sa Singapore.
MMDA, binu-bully ng mga motorista | MGA PULIS, BALIK-EDSA
MAHIGIT 200 tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang pakikilusin sa EDSA upang tumulong na mapagaan ang daloy ng trapiko at habulin ang mga walang disiplinang motorista.
Ayon kay HPG Director Police Brig. Gen. Eliseo Cruz, malimit nang makikita ang mga pulis sa EDSA lalo na kung rush hours at mabigat ang daloy ng trapiko.
Hindi bababa sa 170 HPG personnel, 20 mobile cars at 36 HPG motorcycle units ang itatalaga sa EDSA. Pinalakas na noon ang deployment ng HPG policemen sa EDSA at napatunayang epektibo para mapasunod ang mga motorista na sumunod sa mga batas-trapiko. Gayunman, inalis ang HPG sa EDSA upang tutukan ang paghabol sa mga carnapper at iba pang krimen na nauugnay sa mga sasakyan.
Samantala, may mga ulat din na tila binu-bully ng mga motorista ang mga nakatalagang MMDA enforcers na nauuwi sa gulo.





Comments