Mga riders na walang disiplina, dumarami, sanhi ng aksidente

MUKHANG matatagalan pa bago muling bumalik sa normal ang Hong Kong, ang isa sa mga bansa na paboritong destinasyon ng mga Pinoy. Habang isinusulat natin ang kolum na ito, hindi pa rin tumitigil ang malawakang kilos-protesta na mula pa noong Hunyo dahil sa panukalang puwedeng ipakuha ng Beijing ang mga may kaso at doon humarap sa hukuman.
Hindi ito tanggap ng mga nagpoprotesta dahil nakikialam daw ang Beijing sa kanila.
Umaapaw ang mga nagpoprotesta sa kanilang paliparan.
Sa totoo lang, bilib tayo sa kabataan ng Hong Kong, sila ang nangunguna sa mga kilos-protesta. Ang hindi lang maganda ay nagiging marahas na ang sitwasyon dahil hinaharap na rin sila ng mga pulis.
Nagbabantang gumamit na ng mga water cannons ang pulis at may mga nagpaputok na rin ng baril. Hanggang ngayon, napakahirap paniwalaang ganito ang nagaganap sa Hong Kong.
◘◘◘
Kapansin-pansin talaga ang dami ng mga motorsiklo sa kalsada. Kaliwa’t kanan ang mga nagpapa-deliver ng pagkain at gamit, napakarami rin ng mga “umaangkas” para makaiwas sa matinding trapik at makarating sa patutunguhan sa tamang oras. Pero, may ibang aspeto rin itong nagaganap.
Parami nang parami ang insidente kung saan nasasangkot sa aksidente ang mga motorsiklo. Marami rin tayong nakakausap na doktor na tumaas daw ang bilang ng kanilang mga inooperahan dahil nasangkot sa aksidente ng motorsiklo.
Palibhasa, kahit saan lang sila nakalulusot, kung saan-saan at minsan, hindi pa iniisip ang dinaraanan o tila hindi talaga nag-iingat. Sa mga intersection, madalas nagaganap ang mga aksidente at nahuhuli pa sa CCTV, kitang-kita ang pagiging kamote ng mga napapahamak. Dapat isipin ng mga nakamotorsiklo na wala silang kalaban-laban kung masasangkot sila sa aksidente kaya dapat mag-ingat anumang oras.





Comments